IBCTV13
www.ibctv13.com

5-day working visit ni PBBM sa Singapore, inaasahang magbubukas ng trabaho at pamumuhunan para sa mga Pilipino

124
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. departure statement for Singapore 5-day working visit. (Screengrab from RTVM)

Inaasahang direktang makikinabang ang mga ordinaryong Pilipino sa patuloy na pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Singapore, kabilang ang paglikha ng mas maraming trabaho at pagpasok ng mga bagong foreign investor, ayon kay Philippine Ambassador to Singapore Medardo Macaraig nitong Miyerkules, Oktubre 7.

Sinabi ito ni Macaraig sa press briefing sa Philippine Embassy kasunod ng pagdating ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa limang araw na working visit sa bansa mula Oktubre 7-11.

Ayon kay Macaraig, kabilang ang Singapore sa mga pangunahing pinagmumulan ng foreign direct investment ng Pilipinas, kaya inaasahang magbubukas ang pagbisita ng Pangulo ng mas maraming oportunidad para sa trabaho at negosyo sa bansa.

Maaaring makinabang ang Pilipinas sa advanced technology at expertise ng Singapore, partikular sa artificial intelligence (AI), information technology systems, data centers, at nuclear research and safety.

Sa kanyang working visit, dadalo ang Pangulo sa 24th Forbes Global CEO Conference, na inaasahang dadaluhan ng nasa 450 business leaders mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa kanyang departure statement, sinabi ng Pangulo na gagamitin niya ang pagkakataon upang itampok ang Pilipinas bilang isang investment destination sa mga sektor tulad ng digital technology, AI, advanced manufacturing, infrastructure, energy at healthcare.

Inaabangan din ang pagbisita ng Pangulo sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute upang higit na mapalalim ang kaalaman ng Pilipinas sa nuclear technology at safety.

“Inaasahan natin na makakatulong iyon sa ating bayan kung saka-sakali man na pumasok tayo sa nuclear energy para sa ating bansa,” ani Macaraig.

Muli namang magpupulong sina Pangulong Marcos Jr. at Singapore Prime Minister at Minister for Finance Lawrence Wong upang talakayin ang bilateral relations ng dalawang bansa at mga usaping panrehiyon.

Mahalaga ang naturang pagpupulong sa nalalapit na pag-upo ng Singapore bilang chair ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa susunod na taon.

Ayon sa Pangulo, nais niyang makipagpalitan ng pananaw kay Wong hinggil sa pagpapatuloy at pagsusulong ng mga regional priority kasunod ng pagtatapos ng Pilipinas sa ASEAN chairship ngayong 2026. – VC