
Pinalalakas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang industriya ng niyog sa bansa sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor para magtanim ng 10 milyong bagong puno ng niyog sa Mindanao pagsapit ng 2030.
Sinaksihan ng Pangulo at ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang paglagda sa kasunduan ng Metro Pacific Agro Ventures, Inc. (MPAV), Vita Coco Community Foundation, Century Pacific Food, Inc. (CPFI), at HOPE sa Malacañang ngayong Huwebes, Nobyembre 26.
Ang proyekto ay bilang pakikibahagi ng pribadong sektor sa layunin ng pamahalaan na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog sa bansa upang mapalakas ang produksyon at matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng mas malaking kita.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na mahalaga ang industriya ng niyog dahil dito umaasa sa kabuhayan ang maraming pamilyang Pilipino.
“For generations, the coconut palm has provided food and livelihood for Filipino families. Yet, many of our farmers still harvest from palms that their parents and grandparents once tended. Replacing these aging plants, reaching our goal of 100 million is not going to be an easy task, but it is worth the effort,” ani Pangulong Marcos Jr.
Batay sa datos, halos 29 milyong puno na ang naitanim ng pamahalaan, as of October 2026.
Pinili ang Mindanao para sa proyekto dahil nagmumula sa rehiyon ang mahigit 60% ng produksyon ng niyog sa bansa.
Tinatayang 100,000 maliliit na magsasaka ang makikinabang sa programa, na sasaklaw sa 100,000 ektarya ng lupa.
Bawat magsasaka ay inaasahang makapagtatanim ng 100 puno ng niyog kada ektarya.
Magmumula ang pondo para sa mga punla sa MPAV para sa 3.5 milyong puno, ang Vita Coco Community Foundation para sa limang milyon, at ang CPFI para sa 1.5 milyon.
Ang HOPE naman ang mangangasiwa sa pagtatanim kasama ang mga magsasaka.
Inaasahang madaragdagan ng P30,000 hanggang P65,000 kada taon ang kita ng bawat magsasaka kapag namunga na ang mga bagong puno, habang tinatayang P350 milyon naman ang madadagdag na kita sa local nurseries.
Maaari ring madagdagan ng 400-650 milyong niyog kada taon ang suplay ng bansa.
Ani Pangulong Marcos Jr. makatutulong ito sa mga negosyong gumagamit ng niyog bilang hilaw na materyales, magbibigay ng trabaho sa mga kanayunan, at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa pagluluwas ng produkto sa ibang bansa.
“Ang dagdag na kita ay maaaring mangahulugan ng mas masaganang hapag, pantustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak, at dagdag seguridad para sa panahon ng pangangailangan,” dagdag ng Pangulo.
Sa huli, hiling ng punong ehekutibo sa DA at Philippine Coconut Authority (PCA) na makipagtulungan sa HOPE upang matiyak na makatatanggap ang mga magsasaka ng de-kalidad na punla at sapat na gabay sa pag-aalaga ng mga ito.
Hinimok din niya ang mga lokal na pamahalaan na tumulong sa pagpapatupad ng programa sa kanilang mga nasasakupan. – VC











