IBCTV13
www.ibctv13.com

Muling pagbubukas ng Mandarin Oriental sa Makati, magbubukas ng dagdag oportunidad sa trabaho, negosyo para sa mga Pilipino

143
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr., joined by First Lady Liza Araneta-Marcos, led the opening of Mandarin Oriental in Makati City today, November 26. (Photo courtesy of PCO)

Isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpasok ng mas maraming pamumuhunan sa bansa upang makalikha ng trabaho at mapalawak ang oportunidad para sa mga Pilipino, kasabay ng muling pagbubukas ng Mandarin Oriental sa Makati City ngayong Huwebes, Nobyembre 26.

Sa kanyang talumpati sa opening ceremony ng hotel, sinabi ng Pangulo na ang pagbabalik ng kilalang international hotel brand ay nagpapakita ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ng Pilipinas at sa potensyal ng turismo na maging katuwang sa pagpapalago nito.

Binigyang-diin ng Pangulo na hindi lamang direktang trabaho ang nalilikha sa pagbubukas ng mga hotel, kundi maging oportunidad para sa mga supplier, micro, small, and medium enterprises (MSMEs) o maliliit na negosyo na nakikinabang sa kanilang operasyon.

“When an established brand chooses to invest and grow here, it helps create opportunities that extend well beyond the vicinity of its properties,” ani Pangulong Marcos Jr.

Unang binuksan ang Mandarin Oriental Manila noong 1976 at naging bahagi ng kasaysayan ng negosyo, kultura at pamumuhay sa Makati.
Sa muling pagbubukas nito, pinagsama sa bagong hotel ang kinikilalang serbisyo ng Mandarin Oriental at mga produktong sumasalamin sa kulturang Pilipino.

Kabilang dito ang mga sapatos na yari ng mga shoemaker mula Marikina, mga unipormeng dinisenyo ni Rajo Laurel, at mga binakol robe na likha ng mga artisan mula Abra.

Samantala, sinabi ng punong ehekutibo na patuloy na pinauunlad ng pamahalaan ang imprastraktura at mga pasilidad sa bansa upang higit pang makahikayat ng mga turista at mamumuhunan.

Bilang bahagi ng mga hakbang na ito, binanggit niya ang pag-update sa National Accommodation Standards, paglulunsad ng Love the Philippines campaign ng Department of Tourism (DOT), at pagpapatupad ng Filipinization Labelling Program na naglalayong higit na itampok ang kulturang Pilipino sa mga hotel at tourist spot.

Ibinida rin ng Pangulo ang pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit bilang patunay sa kakayahan ng bansa na tumanggap ng mga dayuhang bisita at maghatid ng de-kalidad na serbisyong Pilipino.

Sa huli, hinimok ng lider ang mga katuwang sa industriya na ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga hakbang na magpapalakas sa sektor ng turismo at magpapataas sa pagkilala sa Pilipinas bilang pangunahing destinasyon sa buong mundo. – VC