
Magbibigay ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ng dagdag na 20% benepisyo sa mga kwalipikadong miyembro at kanilang dependents simula Enero 1, 2027, sa ilalim ng TAPAT incentive program.
Layunin ng dagdag na benepisyo na mabawasan ang babayaran ng mga pasyente sa ospital, lalo na ang mga naka-confine sa private rooms o iba pang kwartong hindi kabilang sa basic accommodation.
“Ang net effect is kung ang pasyente ay naka-admit sa private non-basic accommodation, mababawasan ang [kanilang] ilalabas para mabayaran ‘yung natitirang hospital bil,” ani PhilHealth Benefits and Development Research Office VP Alfred Phillip de Dios.
Saklaw nito ang mga karaniwang kaso ng pagkaka-ospital sa lahat ng accredited hospital ng PhilHealth.
Upang maging kwalipikado, kailangang may hindi bababa sa 15 buwang hulog ang miyembro sa loob ng 18 buwan bago maospital.
Paglilinaw naman ng ahensya, ang regular na pagbabayad ng kontribusyon ng mga miyembro ang magiging batayan sa pagiging kwalipikado, hindi ang laki ng halagang ibinabayad.
Kabilang sa mga maaaring makatanggap ng dagdag na benepisyo ang mga employed at self-earning individuals, professional practitioners, migrant workers, at mga kwalipikadong foreign nationals, kasama ang kanilang mga dependent.
Gagamitin ang PhilHealth Benefit Eligibility Form (PBEF) upang malaman kung kwalipikado ang isang miyembro at kung saklaw ng programa ang kanyang benepisyo.
Samantala, hindi kasama sa dagdag na 20% ang Z benefits, Rationalized Case Rates, Special Outpatient Benefits, Multiple-Session Procedures, at Primary Care or Outpatient Benefits, tulad ng YAKAP, GAMOT at OECB.
Tiniyak naman ng PhilHealth na hindi mababawasan ang kasalukuyang benepisyo ng iba pang miyembro dahil sa pagpapatupad ng dagdag na insentibo.
Ayon kay De Dios, bahagi rin ng layunin ng TAPAT na hikayatin ang mga direct contributors na ipagpatuloy ang kanilang hulog sa premium upang makatulong sa pagpapanatili ng pondo ng ahensya.
Sa kasalukuyan, hindi pa kasama sa makakatanggap ng dagdag na benepisyo ang senior citizens, persons with disabilities (PWDs) at lifetime members.
Gayunman, pinag-aaralan pa ng PhilHealth kung maaari rin silang maisama sa programa. – IP











