IBCTV13
www.ibctv13.com

Bagong LTO chief, tututukan ang digitalisasyon, pagpapabilis ng serbisyo, at pagsugpo sa fixer

257
Views

[post_view_count]

After taking her oath as the new Land Transportation Office (LTO) Chief on November 25, 2026, at the Department of Transportation (DOTr) in San Juan City, Atty. Noreen Bernadette San Luis-Lutey outlined key pledges focused on integrity, faster service, and modernization. (Photo courtesy of LTO)

Prayoridad ni bagong Land Transportation Office (LTO) Chief Noreen Bernadette San Luis sa kanyang unang 100 araw sa pwesto ang pagpapabilis ng serbisyo, pagbabawas ng mahabang pila, pagsulong ng digitalisasyon at paglaban sa mga fixer sa ahensya.

Sa panayam sa programang “Mark In, Mark Out” ng Radyo Pilipinas, sinabi ni San Luis na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanya na gawing mas mabilis at madali ang pagkuha ng mga serbisyo ng LTO upang mapagaan ang transaksyon ng publiko.

Plano niyang palawakin ang digital services upang makapagsagawa ng mga transaksyon ang publiko nang hindi na kailangang pumunta sa mga tanggapan ng LTO.

Sa tulong nito, mapapaikli na rin ang pila at mapapabilis ang proseso ng pagkuha ng lisensya gayundin ang pagpaparehistro ng sasakyan.

“2026 na, so dapat yung mga tao, kaya na nila mag-transact at the comfort of their homes, kung kaya naman gawin na ganyan,” ani San Luis.

Binigyang-diin din ng bagong LTO chief na mananatiling pangunahing prayoridad ng ahensya ang kaligtasan ng mga motorista.
Aniya, hindi lamang nakatuon sa pag-iisyu ng lisensya, pagpaparehistro ng sasakyan at pagpapatupad ng batas-trapiko ang mandato ng LTO, kundi sa pagtiyak na ligtas na nakabibiyahe at nakauuwi ang mga Pilipino.

“Mayroon kaming obligasyon na dalhin ‘yung lahat ng Pilipino pauwi sa mga bahay nila every night dahil ‘yung mga nabigyan namin ng lisensya ay maalam, yung mga nirehistro naming sasakyan ay maayos, at ‘yung law enforcement ay pinaigting,” ani LTO chief.

Samantala, bilang tugon sa mga reklamo tungkol sa fixer, inatasan na ni San Luis ang mga tauhan na makipag-ugnayan sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang makuha ang detalyadong resulta ng survey na naglagay sa LTO sa nangungunang mga ahensyang may pinakamaraming reklamo mula Enero hanggang Oktubre.

Naniniwala ang opisyal na mababawasan ang paglaganap ng mga fixer kung magiging mabilis, maayos at maaasahan ang serbisyo ng ahensya.

“Kung yung mga tao hindi naaabala, kung yung serbisyo reliable, available all the time, there is no more need for fixers,” paliwanag niya.

Tinalakay rin ni San Luis ang planong alisin ang mga harang sa tollways na nagiging sanhi ng paghinto ng mga sasakyan.

Layunin nitong mapabilis ang daloy ng trapiko, mabawasan ang pila at makatipid sa oras at gasolina ang mga PIlipino.

“Mayroon kaming meeting sa Friday kung saan nandoon yung DOT, LTO, pati yung mga toll operators para i-polish yung mga find prints kung paano ito maayos na mai-rollout,” ani LTO chief. – IP