IBCTV13
www.ibctv13.com

6,000 YAKAP-accredited clinic, target ng PhilHealth bago matapos ang termino ni PBBM

110
Views

[post_view_count]

Photo from PIA

Mas darami pa ang maaabot ng serbisyong medikal ng pamahalaan sa tulong ng 6,000 accredited clinics na target ng PhilHealth para sa primary care benefit program na ‘Yaman ng Kalusugan’ (YAKAP) bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay PhilHealth Spokesperson Dr. Israel Francis Pargas, mayroon nang higit 4,200 accredited private at public clinics sa buong bansa kung saan umiiral ang nasabing programa.

Sa tulong ng accredited clinics, mas madali nang naipaaabot ng pamahalaan ang iba’t ibang medical services gaya ng libreng check-up, konsultasyon, laboratories, at diagnostics.

Bukod sa mga nabanggit na serbisyo, nagbibigay din ito ng libreng maintenance medicines sa iba’t ibang sakit tulad ng diabetes, hypertension, asthma, at mga antibiotics kung kinakailangan.

Mayroon na ring libreng training test para sa breast cancer, colorectal cancer, liver cancer, at lung cancer na maaaring matanggap sa ilalim pa rin ng nasabing programa.

Ang mga naturang serbisyo ay madali at libreng makukuha ng mga kababayang rehistrado sa ilalim ng YAKAP program.

Patuloy naman ang pagsisikap ng ahensya na palawakin pa ang programa at maabot ang mas marami pang Pilipinong nangangailangan ng serbisyong medikal.

Layon ng ahensya na umabot sa 4,800 ang kasalukuyang higit 4,200 accredited clinics sa bansa ngayong 2026 at mas maging malawak pa ang access ng bawat kababayang Pilipino sa mga benepisyong handog ng programa. – MP