
Ipinagmamalaking ibinalita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na umabot na sa 65,000 mga guro at punungguro mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nakatanggap ng promosyon mula noong Agosto 2025 sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System.
Kasunod ito ng karagdagang 2,121 newly-promoted teachers at school heads sa Eastern Visayas na nanumpa sa kanilang tungkulin sa Tacloban City Convention Center ngayong Miyerkules, Abril 15.
Nagpaabot naman ng mainit na pagbati ang Pangulo kasabay ng pagkilala sa mahalagang gampanin ng mga guro sa paghubog ng mga future nation-builders.
“The nation, the entire Filipino nation, joins you in recognizing your achievements and affirms the greater responsibility that we have entrusted to you. Ang mga tinuturuan ninyo ngayon ang susunod na mga inhinyero, mga doktor, mga guro, propesyonal, manggagawa, at mga lider ng ating bansa,” pagbibigay-diin niya.
Sa ilalim ng ECP, maaaring ma-promote ang mga guro batay sa merit at competencies ng mga ito sa halip na maghintay ng bakanteng posisyon.
Nagdagdag din ng iba pang posisyon gaya ng Teacher IV-VII, Master Teacher V-VI, at School Principal V para sa mas malinaw na career path ng mga guro.
Nangako si Pangulong Marcos Jr. na mas marami pang guro ang tataas ang posisyon sa mga darating pang buwan alinsunod sa kanyang isinusulong na wala nang guro ang magreretiro na Teacher 1 lamang. – IP











