
Pinabibilis ng Department of Agriculture (DA) ang pagbibigay ng pautang sa mga magsasakang naapektuhan ng pagbaha upang matulungan na maisaayos ang kanilang mga sakahan at makapagsimulang muli.
Sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), inilunsad ng DA ang Agri-Recover Program na naglalayong magbigay ng puhunan sa mga magsasaka.
Nagsimula ang implementasyon ng programa sa pamamahagi ng P1.75 milyon na calamity loans sa Pampanga noong Lunes, Setyembre 14.
Tumanggap ng tig-P35,000 ang unang 50 magsasakang naapektuhan ng baha sa Angeles City.
Humigit-kumulang 200 magsasaka ang dumalo sa aktibidad, kung saan isinagawa rin ang orientation tungkol sa programa at mga sesyon sa financial literacy.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalagang mapabilis ang pag-access ng mga magsasaka sa puhunan upang agad nilang maayos ang mga nasirang sakahan at maipagpatuloy ang produksyon ng bigas.
“Kapag mabilis na makautang ang mga magsasaka para maayos ang kanilang mga sakahan, mas maaga silang makapagtatanim muli at mas mabilis na makababawi ng kita,” ani Tiu Laurel.
Batay sa datos ng DA, umabot sa P4.38 bilyon ang pinsala sa agrikultura at pangisdaan dahil sa mga nagdaang pagbaha.
Aabot naman sa 99,000 magsasaka at mangingisda at humigit-kumulang 81,000 ektarya ng lupang agrikultural ang naapektuhan.
Sa pamamagitan ng Agri-Recover Program, makakakuha ang mga kwalipikadong magsasaka ng puhunan upang makapagtanim muli nang mas maaga nang hindi kinakailangang maghintay nang matagal bago makalikom ng panibagong kapital.
Kasunod ng Pampanga, nakatakdang ilunsad ang programa sa Pangasinan sa Oktubre 16 at susundan ng iba pang lugar na idineklarang nasa State of Calamity.
Kabilang dito ang Benguet, Bataan, Bulacan, Zambales, Tarlac, Cavite, Rizal, Batangas at ilang bahagi ng Occidental Mindoro.
Ayon sa DA, unti-unting ipatutupad ang programa upang matiyak na mapupunta ang pautang sa mga magsasakang talagang naapektuhan at nangangailangan ng dagdag na puhunan. – IP











