IBCTV13
www.ibctv13.com

Anu-ano ang mahahalagang pagbabago sa isinusulong na Expanded 4Ps Bill?

Khengie Hallig
73
Views

[post_view_count]

Household-beneficiaries of Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) qualified to receive First 1,000 Days (F1KD) of life conditional cash grant. (Photo from DSWD)

Lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill (HB) No. 8647 o Expanded Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Bill na nagsusulong ng mas matibay na suporta para sa mga pamilyang benepisyaryo.

Sa ilalim ng Expanded 4Ps Bill, mas pinalawak ang mga layunin ng 4Ps pagdating sa socio-economic resilience, adult education sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS), entrepreneurship training, livelihood support, at transition program para sa mga graduating beneficiaries.

Itinuturing ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang balita bilang malaking hakbang para sa mga pamilyang Pilipino.

Aniya, ang tuluyang pagsasabatas sa panukala ay katuparan ng pangarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang Bagong Pilipinas.

“Gusto ng ating Pangulo na ang bawat pamilya ay may kakayahang tumayo sa sariling mga paa. Gaya ng lagi niyang paalala sa atin, ang 4Ps ay hindi lang basta “hand-out”… ito ay puhunan natin para sa kinabukasan ng ating mga kabataan,” ayon sa kalihim.

Kabilang sa mga nakapaloob na pagbabago sa programa ang Alaga sa First 1,000 Days, kung saan magbibigay ng tulong-pinansyal sa unang 1,000 araw mula kapanganakan ng isang sanggol. Ito ay magsisilbing dagdag suporta para tiyaking magiging malusog ang bata mula sa sinapupunan ng ina hanggang sa maipanganak.

Isusulong din ang pinaigting na case management ng mga social worker para tiyaking may malinaw na plano ang mga pamilyang benepisyaryo tungo sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan.

Sa suporta sa edukasyon, tataasan ang buwanang tulong-pinansyal para sa elementarya, junior high school, at senior high school.

Kasabay nito, maglulunsad pa ng entrepreneurship at livelihood training para sa mga magulang upang turuan silang magkaroon ng sariling kabuhayan.

Ayon kay Gatchalian, umabot na sa higit 1.4 milyong pamilya ang matagumpay na naka-graduate sa programa sa tulong ng buwis ng taumbayan.

Nangako naman ang kalihim na patuloy na pagbubutihin ang pag-angat ng buhay ng bawat Pilipino alinsunod sa direktiba ng Pangulo na tulungan ang mga benepisyaryo na tumayo sa kanilang sariling mga paa. – VC