
Pinalalakas ng Pilipinas ang kooperasyon sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang matiyak ang mas maasahan at matatag na suplay ng enerhiya sa gitna ng pabagu-bagong global fuel supply at patuloy na hamon sa energy security.
Sa pagtatapos ng 44th ASEAN Ministers on Energy Meeting sa Maynila, iniulat ng Department of Energy (DOE) ang pag-usad ng mga pangunahing hakbangin ng rehiyon para mapatatag ang suplay ng langis at kuryente, gayundin ang pagpapalawak ng paggamit ng renewable energy.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, mahalagang pundasyon ang pagtutulungan ng mga bansang ASEAN upang makamit ang long-term energy security.
“Ang ASEAN po ay hindi instant ang resulta nito, pero we are building the foundations for a better ASEAN and a more energy secure Philippines,” ani Garin.
Kabilang sa mahahalagang hakbang ang opisyal na pag-endorso ng mga bansang kasapi ng ASEAN sa pinahusay na memorandum of understanding (MOU) para sa ASEAN Power Grid, na naglalayong pag-ugnayin ang mga sistema ng kuryente sa rehiyon.
Sa ilalim nito, maaaring mag-angkat ng kuryente ang mga bansang nakararanas ng kakulangan sa suplay at magluwas naman ang mga bansang may sobrang kapasidad.
Tinututukan din ng ASEAN ang pagtatatag ng regional oil stockpiling, gayundin ang pakikipagtulungan sa Japan upang mapaghandaan ang posibleng pagkaantala ng suplay ng langis.
Samantala, itinakda ng ASEAN ang target na makamit ang 30% renewable energy share sa total primary energy supply at 45% sa installed power capacity pagsapit ng 2030.
Mas mataas naman ang target ng Pilipinas, na naglalayong maabot ang 35% renewable energy share sa power mix pagsapit ng 2030, at 50% pagdating ng 2040.
Ayon kay Garin, nagsilbing plataporma ang ASEAN chairship ng Pilipinas upang makahikayat ng mas maraming pamumuhunan at mapalawak ang mga oportunidad sa pag-export ng enerhiya.
“The biggest takeaway from ASEAN, ASEAN became a platform for the Philippines to invite more investments and export in the Philippines,” ani Garin.
Gayunman, sinabi ng DOE na kailangan pang matugunan ang mga kinakailangang pondo, teknikal na pagsusuri, at legal at regulatory framework bago maisakatuparan ang mga proyektong inaasahang magpapalakas sa seguridad ng enerhiya sa bansa. (Ulat mula kay Eugene Fernandez) – VC











