
Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, ang newly-rehabilitated Sual Fish Port Complex sa Pangasinan, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na gawing moderno ang imprastraktura ng sektor ng pangisdaan at palakasin ang suporta sa mga mangingisdang Pilipino.
Suot ang kinakailangang protective gown at mga bota, inikot ng Pangulo ang Refrigeration and Processing Building habang ipinapaliwanag sa kanya ang mga isinagawang pagpapahusay sa operasyon ng fish port.
Sinuri rin niya ang classification area, ice storage at chiller rooms, fish processing sections, packing room, blast freezers, boxing area, cold storage facilities, at loading area.
Inaasahang mapapabuti ng modernisasyon ng pasilidad ang pagproseso ng mga huling isda, mabawasan ang post-harvest losses, mapalawak ang merkado, at matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng dekalidad na produktong pangisdaan sa Northern Luzon.
Ang Sual Fish Port ang tanging regional fish port sa Hilagang Luzon na kayang tumanggap ng malalaking sasakyang pangisda at nagsisilbing sentro ng fishing community sa Lingayen Gulf, kanlurang bahagi ng Pangasinan, at ilang lugar sa baybayin ng Ilocos.
Kabilang sa mga isinagawang rehabilitasyon ang pagsasaayos at pagtatayo ng mga market hall, cold storage facilities, multi-purpose pier, sorting areas, access roads, at iba pang suportang imprastraktura,
Isinagawa ang proyekto matapos magdulot ng operational inefficiencies ang lumang pasilidad, na naging dahilan ng pagbaba ng dami ng isdang naibaba sa pantalan mula 485.66 metrikong tonelada noong 2024 ay naging 74.13 MT na lamang noong 2025.
Ngayon, ikinatuwa ng manager ng FB Princess Centenie Commercial Ocean Fishing na si Jasmine Paloso na sa pamamagitan ng cold storage facilities ng fish port ay may kakayahan nang mapatagal ang kalidad ng mga isda at maibenta sa panahong maganda ang bentahan.
Matapos ang inspeksyon, nagtungo naman ang Pangulo sa pantalan kung saan nakipagpulong siya sa mga lokal na mangingisda at mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kasabay nito ay binati rin niya ang 28 tripulante ng BRP Cabanigan at BRP Robert Servañez na naapektuhan ng water cannon attack ng Chinese Coast Guard habang nagsasagawa ng routine mission malapit sa Bajo de Masinloc noong Hulyo 23 at 24.
Pinulong din ng Pangulo ang mga kapitan at tripulante ng iba pang BFAR vessels na nakadaong sa pantalan, kabilang ang BRP Datu Dumangsil, BRP Datu Paduhinog, at BRP Joselito.
Inaasahang lilikha ang rehabilitasyon ng Sual Fish Port ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan sa buong value chain ng sektor ng pangisdaan, habang higit pang pinatitibay ang suporta ng pamahalaan sa mga komunidad ng mangingisda sa Northern Luzon.
Kasama ng Pangulo sa paglilibot sina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., Pangasinan First District Rep. Arthur F. Celeste, Governor Ramon V. Guico III, PFDA General Manager Glen A. Pangapalan, Sual Mayor Liseldo Calugay, at mga kinatawan ng mga samahan ng mangingisda. – VC











