
Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) ang bagong wage order na magtatakda ng P60 dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila.
Ayon kay RTWPB-NCR at DOLE-NCR Regional Director Roy Buenafe, inaprubahan ang Wage Order No. 28 noong Lunes, Setyembre 7, at ipinasa sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa kumpirmasyon.
Sa oras na kumpirmahin, maaari itong mailathala sa Setyembre 11, at inaasahang magkakabisa sa Setyembre 26 o 27.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, layunin ng bagong wage order na mabigyan agad ng karagdagang kita ang mga manggagawa habang nakabinbin ang legal issue kaugnay ng Wage Order No. 27.
Nilinaw ni Tolentino na hindi ibabawas ang P60 increase sa naunang P85 dagdag-sahod sa ilalim ng Wage Order No 27 dahil hindi pa naman ito naipatutupad.
Matatandaang naglabas ng injunction ang isang Regional Trial Court (RTC) sa Pasig na pumigil sa pagpapatupad ng Wage Order No. 27, na nagtatakda ng P85 umento sa sahod para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region.
Ang bagong wage order ay inanunsyo sa budget hearing ng DOLE sa House of Representatives (HOR) noong Setyembre 8. – VC











