IBCTV13
www.ibctv13.com

BARMM elections, pagkakataon kay PBBM para kumpletuhin ang sinimulang peace legacy ng kanyang ama sa Bangsamoro – Muslim scholar

72
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. spearheaded the launching of Bawat Bayan Makikinabang program in Maimbung, Sulu. (Photo courtesy of PIA Western Mindanao)

Naniniwala ang isang Muslim scholar at peace advocate na magandang pagkakataon para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang halalan sa BARMM upang maipagpatuloy at kumpletuhin ang pangmatagalang kapayapaan at self-governance ng mga Moro sa Mindanao, bagay na sinimulan ng kanyang yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Ayon kay Dr. Acram A. Latiph, executive director ng Institute for Peace and Development in Mindanao ng Mindanao State University, mahalagang yugto ang unang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakdang idaos sa Setyembre 14.

Sinabi ni Latiph na maaaring magsilbing malaking hakbang ang halalan tungo sa pangmatagalang kapayapaan, sariling pamamahala, at pag-unlad ng Bangsamoro.

“Ang nagtanim ng puno ay iyong yumaong President Ferdinand E. Marcos Sr. Ngayon, after 50 years, iyong puno ay lumalaki na. Sa Sept. 14—nag-bloom na siya for harvesting. Parang destiny,” ani Latiph.

Ngayong taon ay ginugunita rin ang ika-50 anibersaryo ng Tripoli Agreement, na nilagdaan noong Disyembre 23, 1976 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Marcos Sr.

Bahagi ang kasunduan ng negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at Moro National Liberation Front (MNLF) upang tugunan ang panawagan ng mga Moro para sa awtonomiya at self-governance.

Ayon kay Latiph, ilang dekada ring humarap sa iba’t ibang hamon ang peace process sa rehiyon, kabilang ang magkakaibang interpretasyon sa Tripoli Agreement at mga usaping may kaugnayan sa Konstitusyon.

Nagpatuloy ang proseso hanggang sa paglagda sa 1996 Final Peace Agreement sa pagitan ng pamahalaan at MNLF sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Kalaunan, isinulong naman ang hiwalay na peace process sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), na naging daan sa paglikha ng BARMM.

“It took a long while really kasi ang iniiwasan doon ay paano hindi magkakaroon ng malawakang hidwaan,” ani Latiph.

Kaugnay nito, hinimok ni Pangulong Marcos Jr. ang mga mamamayan ng Bangsamoro na gamitin ang nalalapit na parliamentary elections upang magkaroon ng mas malaking papel sa paghubog ng kanilang kinabukasan.

“Let this election show that the future of the Bangsamoro is shaped by the people themselves: through your voices, your choices, and your hopes for your respective communities,” ani Pangulo.

Tiniyak din niya ang suporta ng pambansang pamahalaan sa halalan matapos ang ilang pagpapaliban.

“Despite several postponements, the government never lost hope and remains fully committed to supporting this democratic exercise,” dagdag ng Pangulo. – VC