
Naglunsad ng educational tour ang pamahalaan sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa Morong, Bataan, bilang hakbang upang palawakin ang kaalaman ng publiko sa nuclear energy at ang potensyal nitong papel sa pagtugon sa tumataas na pangangailangan sa kuryente ng bansa.
Isinagawa ang educational tour bilang bahagi ng tatlong araw na Foundational Infrastructure for Responsible Use of Small Modular Reactor Technology (FIRST Conference).
Ayon kay Pangasinan 2nd District Representative at Special Committee on Nuclear Energy Chairperson Mark Cojuangco, layunin ng isinagawang tour na maipakita sa mga bisita ang kasalukuyang kondisyon ng pasilidad.
“That the plant is extremely well-built. That it is in extremely good condition. That we should not waste our napakamahal na nuclear plant,” ani Cojuangco.
Ang BNPP ay isang kumpletong nuclear facility na itinayo noong dekada ’70 sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. bilang tugon sa 1973 oil crisis.
Gayunman, hindi kailanman nag-operate ang planta at hindi rin ito napuno ng nuclear fuel.
Matapos ang halos apat na dekadang dormant, muling pinag-aaralan ng pamahalaan ang potensyal na paggamit ng nuclear energy.
“Ilang krisis na ng kuryente. Sobrang mahal ng kuryente, hindi reliable ang kuryente. Ito yung sagot eh, ito yung at sana marami pang ganito,” ani Cojuangco.
Kaugnay nito, sinabi ng Department of Energy (DOE) na patuloy ang paghahanda ng bansa para sa responsable at ligtas na paggamit ng nuclear technology.
Kabilang sa mga paghahandang ito ang pagtatatag ng mga safety system, pagpapalakas ng technical capacity, at pagbuo ng institutional frameworks na kinakailangan bago maisakatuparan ang mga plano para sa nuclear power.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, target ng pamahalaan na magkaroon ng nuclear energy sa Pilipinas sa loob ng susunod na 10 taon.
Sa ilalim ng Philippine Nuclear Energy Program, target ng bansa na magkaroon ng hindi bababa sa 1,200 megawatts ng nuclear capacity pagsapit ng 2032 at palawakin ito sa 4,800 megawatts pagsapit ng 2050. – VC










