
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 1232 o Last Mile and GIDA Schools Act, na naglalayong palakasin ang suporta ng pamahalaan sa mga pampublikong paaralan sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs) at iba pang underserved na komunidad upang mapabuti ang access sa quality education sa buong bansa.
Sa ilalim ng bagong batas, itatatag ang isang pambansang framework upang bigyang-prayoridad ang mga public school na matagal nang humaharap sa hamon sa edukasyon gaya ng limited resources, alanganing lokasyon, kahirapan, kaguluhan at iba pang kondisyon.
Ang Department of Education (DepEd) ang tutukoy, magbabantay, at magkakaloob ng mga kinakailangang imprastraktura, learning resources, suporta sa mga guro, at iba pang mahahalagang serbisyo sa mga paaralang mahirap maabot ng pamahalaan.
Itinuturing na Last Mile at GIDA Schools ang mga paaralang matatagpuan sa mga liblib, mahirap marating, at hindi gaanong napaglilingkurang komunidad kung saan limitado ang access sa ligtas, sapat, at quality basic education dahil sa kakulangan sa pasilidad, kagamitan, tauhan, at iba pang social at environmental conditions.
Kwalipikado rin bilang Last Mile at GIDA Schools ang mga paaralang may mahigit 75% mag-aaral na kabilang sa Indigenous Peoples (IP) community, mga nasa lugar na apektado ng kaguluhan, o mataas ang panganib sa sakuna, pati ang iba pang pamantayang itatakda ng DepEd.
Upang matiyak na mayroong paaralang mapapasukan ang mga mag-aaral sa loob ng tatlong kilometrong lakarin mula sa kanilang tahanan, inaatasan ang DepEd na magpatupad ng accessibility standard sa mga paaralan.
Minamandato naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtayo at panatilihin ang mga access road patungo sa mga paaralan, habang tutulong ang mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng alternative learning delivery modes sa mga lugar na mahirap puntahan dahil sa lokasyon o kondisyon ng seguridad.
Sa loob ng isang taon magmula nang maging epektibo ang batas, kinakailangang bumuo at ilathala ng DepEd ang isang National Last Mile and GIDA Schools Map na magsisilbing batayan sa pagtukoy ng mga prayoridad na eskwelahan, paglalaan ng pondo at pagmomonitor ng progreso, at pagpapatupad ng mga kaugnay na programa.
Kinikilala ang mga hamon na lagpas sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan, isusulong din ng batas ang isang whole-of-government approach sa pamamagitan ng pagmamandato sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang DPWH, DOE, NEA, DICT, DOTr, DILG, DENR, DOST, at National Commission on Indigenous Peoples, na tumulong sa pagpapabuti ng mga kalsada, suplay ng kuryente at tubig, internet connectivity, transportasyon, at iba pang pangunahing serbisyo sa mga paaralan.
Palalawakin din ang mga programang tumutugon sa pangangailangan naman ng mga mag-aaral sa Last Mile at GIDA Schools, kabilang ang pagbuo ng alternative learning delivery mechanisms, pagbibigay ng learning equipments, pagsasagawa ng feeding at health interventions, pagtatag ng pasilidad para sa water and sanitation, electrification, computerization, at mga prayoridad sa ilalim ng Adopt-a-School Program.
Para naman hikayatin ang mga guro na magserbisyo sa mga GIDA school, magkakaroon ng kaakibat na suporta para sa mga educator at non-teaching personnel, kabilang ang pagbibigay ng allowance, tulong sa pabahay, oportunidad sa kanilang karera, scholarship, localized recruitment, at career advancement.
Samantala, para sa mga paaralang nasa loob ng mga ancestral domain, ipinag-uutos sa DepEd na isama sa kurikulum ang Indigenous Knowledge Systems and Practices, mga katutubong wika, at culturally relevant learning materials, alinsunod sa Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997.
Ipinag-uutos din sa kagawaran na subaybayan ang pakikilahok, retention, at resulta sa pag-aaral ng mga mag-aaral sa Last Mile at GIDA Schools at magsumite ng taunang ulat sa Kongreso hinggil sa pagpapatupad ng batas.
Nakasaad namana na rerepasuhin ang programa matapos ang unang tatlong taon ng implementasyon at kada tatlong taon pagkatapos nito upang masukat ang pagiging epektibo at matukoy ang mga dapat pang pagbutihin.
Ang pondo para sa pagpapatupad ng batas ay ilalaan sa budget ng mga kaukulang ahensya sa ilalim ng General Appropriations Act, habang ang implementing rules and regulations nito ay dapat mailabas sa loob ng 90 araw mula sa pag-iral ng batas. – VC











