IBCTV13
www.ibctv13.com

BIR, tatanggalin ang VAT sa system loss charge para mapababa ang singil sa kuryente

94
Views

[post_view_count]

Electric meters of individual households along Commonwealth Avenue in Quezon City. (File photo of PNA)

Inihahanda ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang kautusan para alisin ang value-added-tax (VAT) sa allowable system loss charge na nakapaloob sa singil sa kuryente, bilang hakbang upang makatulong na mapababa ang bayarin ng mga konsyumer.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, ilalabas ng ahensya ang Revenue Memorandum Circular (RMC) matapos ang 15 araw mula sa paglalathala ng Energy Regulatory Commission (ERC) Resolution No. 26, Series of 2026.

Itinakda ng naturang resolusyon na ang allowable system loss charge ay isang government mandated pass-through cost, o halagang kinokolekta sa mga konsyumer upang maipasa sa tamang recipient, sa halip na ituring na kita ng mga power company.

“In simple terms, consumers should not be paying VAT on electricity that never actually reaches their homes or businesses,” ani Mendoza.

Kapag inalis ang VAT sa naturang charge, bababa ang halagang sisingilin at ipapasa sa mga konsyumer, ayon sa BIR.

Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na repasuhin at linawin ang mga patakaran sa buwis na posibleng magbigay ng agarang ginhawa sa mga Pilipino.

Matatandaang nauna nang naglabas ang BIR ng RMC No. 60-2026 noong Hunyo na naglilinaw sa tax treatment sa ilang government-mandated electricity charges.

Kabilang dito ang Lifeline Subsidy, Green Energy Auction Allowance at iba pang tinukoy na government-mandated charges na hindi saklaw ng output VAT at kaugnay na creditable withholding taxes.

Ayon kay Mendoza, patuloy na susuriin ng BIR ang mga patakaran sa buwis upang matiyak na naibibigay ang mga benepisyong maaaring magbigay ginhawa sa mga taxpayer at konsyumer. – VC