IBCTV13
www.ibctv13.com

BOC, nakapagtala ng pinakamataas na koleksiyon sa unang walong buwan ng 2026

421
Views

[post_view_count]

Manila International Container Terminal. (Photo courtesy of ICTSI)

Umabot sa P664.776 bilyon ang nakolekta ng Bureau of Customs (BOC) mula Enero hanggang Agosto 2026, pinakamataas na halagang nakolekta ng ahensya sa unang walong buwan ng isang taon.

Mas mataas ito ng P5.467 bilyon sa target na P659.309 bilyon ng BOC.

Tumaas din ng 7% o P43.389 bilyon ang koleksyon kumpara sa P621.387 bilyon na nakolekta sa kaparehong panahon noong 2025.

Napanatili ng BOC ang magandang resulta sa kabila ng mga weather disturbance na nagdulot ng suspensyon ng trabaho at pagkakaantala sa operasyon ng kalakalan sa ilang bahagi ng bansa.

Noong Agosto lamang, nakalikom ang BOC ng P81.361 bilyon, mas mataas ng 5.1% o P3.925 bilyon kumpara sa P77.346 bilyon na koleksyon noong Agosto 2025.

Bagaman hindi nito bahagyang naabot ang target para sa Agosto, nanatiling mas mataas sa target ang kabuuang koleksyon ng BOC mula Enero hanggang Agosto.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ipinapakita ng resulta ang katatagan at dedikasyon ng mga tauhan ng BOC na maipagpatuloy ang trabaho sa kabila ng mga hamon sa operasyon.

“Sa kabila ng weather disturbances at work suspensions, our collection districts remained focused on their mission. The ₱5.467-billion surplus we have sustained is a result of their hard work and dedication, as well as the continued trust and cooperation of our partner industries and stakeholders,” ani Nepomuceno.

Pinasalamatan din ng commissioner ang mga tauhan ng BOC, mga partner, at iba pang stakeholder sa kanilang patuloy na suporta at kooperasyon.

Sa natitirang apat na buwan ng 2026, sinabi ng BOC na ipagpapatuloy nito ang mga reporma upang mapataas ang koleksyon, mapadali ang legal na kalakalan, at mapahusay ang serbisyo ng Customs sa publiko at mga negosyante. – VC