
Target ng Department of Transportation (DOTr) na ipatupad bago matapos ang 2026 ang automated fare collection system (AFCS) sa buong EDSA Busway upang magkaroon ng mas maraming opsyon ang mga komyuter sa pagbabayad ng pamasahe.
Ipinag-utos na ni DOTr Secretary Banoy Lopez ang pagsasagawa ng pilot implementation sa lahat ng istasyon ng Busway.
Sa ilalim ng programa, oobligahin ang mga bus operator na maglaan ng cashless options sa bawat istasyon hanggang Disyembre.
“Ipinag-utos ko na po sa LTFRB na sana hanggang December, this time they [the operators] have to provide ‘yung tinatawag nating automatic fare collection system. They have to provide that. Kailangan natin ‘yun para mas mabilis ang biyahe ng ating mga commuters,” ani Lopez.
Kabilang sa mga pinag-aaralang cashless options ang stored-value cards, gaya ng Beep card sa mga tren, at electronic wallet tulad ng GCash.
Gayunman, sinabi ni Lopez na dapat manatili ang mga kiosk sa mga istasyon upang maaaring makapag-load ang mga komyuter sa kanilang cards.
“Ang hinihingi ko lang sa kanila, dapat meron pa rin silang kioks sa ating Busway station. Ang susi dito, interoperable, talagang [dapat] it can integrate ‘yung other payment platform or e-wallets,” paliwanag ng kalihim.
Bukod sa hassle-free payment, layunin din ng AFCS na maiwasan ang pagkakamali sa paniningil sa mga pasahero.
Nilinaw naman ni Lopez na hindi magdudulot ng pagtaas sa pamasahe ang pagpapatupad ng sistema, at walang ipapataw na convenience fee sa mga pasahero.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad na rin ng DOTr ang AFCS sa LRT-2 at MRT-3, kung saan maaaring magbayad ng pamasahe ang mga komyuter gamit ang kanilang eep card, credit at debit cards, e-wallet, QR code, at NFC-enabled devices. – VC











