
Iniulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na gumagawa na ng malaking progreso ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China patungo sa matagal nang hinihintay na Code of Conduct (COC) sa South China Sea (SCS).
Sa press conference sa International Media Center kasunod ng 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting (AMM) and Related Meetings, sinabi ng kalihim na sumasalamin sa ‘political will’ ng ASEAN at China na makumpleto ang kasunduan ngayong taon, ang mga diskusyon sa SCS na nakatuon sa pagpapaunlad ng mga usapin sa COC.
“On the South China Sea, what was given attention is the code of conduct that ASEAN and China are geared towards… hopefully the conclusion of the code of conduct by the end of this year,” ayon kay Lazaro.
Ibinahagi ng DFA chief na bumilis ang negosasyon kung saan nagkakaroon ng pagpupulong kada buwan simula noong Enero na nagpapakita lamang ng pagsisikap ng dalawang panig para tuluyang maisapinal ang kasunduan.
“Since the start of January, there have been monthly meetings of the negotiators, and this is now part of the political will that we intend to finish this code of conduct by the end of the year,” ani Lazaro.
Binigyang-diin din ng kalihim ang lumalawak na pagkakasundo sa prinsipyo ng ‘self-restraint,’ na bahagi ng ‘terms of reference’ ng kasunduan, bilang isa sa mahalagang bahagi ng progreso.
Samantala, sinabi ni Lazaro na ang panukalang COC ay nananatiling nakaayon sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), rumerespeto sa karapatan ng ‘third parties,’ at naglalayong itatag ang mga tuntuning namamahala sa pagkilos at pag-uugali sa dagat.
Bahagi rin ng mga diskusyon kaugnay sa Code of Conduct ang mga kamakailang kaganapan sa SCS, kabilang na ang mga insidente sa Ayungin at Scarborough Shoals. – VC











