
Inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) ang pagkakaloob ng Overseas Filipino Workers–Preference Rating (OFW-PR) sa mga kwalipikadong OFW, na magsisilbing karagdagang puntos para sa mga makakakuha ng general rating na hindi bababa sa 70.00 sa Civil Service Examination (CSE).
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2600596, epektibo ang dagdag-puntos sa nakatakdang CSE sa Agosto 9, at ibabatay sa haba ng kanilang panunungkulan sa ibang bansa at sa kanilang performance sa trabaho, alinsunod sa umiiral na mga alituntunin ng CSC.
Kabilang sa maaaring mag-apply ang mga OFW na kasalukuyang nagtatrabaho, nakapagtrabaho, o nakatakdang magtrabaho sa ibang bansa, pati na ang mga may kontrata na ngunit hindi pa umaalis ng bansa.
Upang maging kwalipikado, kinakailangang nakapagtrabaho ang aplikante ng hindi bababa sa limang taon sa ibang bansa mula Enero 1, 2000 hanggang sa petsa ng aplikasyon, tuloy-tuloy man o hindi.
Kinakailangan din na nakapag-apply at kumuha ng pagsusulit sa CSE simula Agosto 9 at sa mga susunod na exam, at nakakuha ng markang hindi bababa sa 70 kahit hindi pumasa.
Ayon sa CSC, bahagi ang inisyatiba ng pagkilala sa dedikasyon, propesyonalismo, at sakripisyo ng mga OFW, upang mabigyan sila ng karagdagang oportunidad na makapaglingkod sa pamahalaan bilang mga Lingkod Bayani. – VC










