
Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P10.377 bilyong pondo para sa Department of Health (DOH) upang suportahan ang pagpapatupad ng Zero Balance Billing (ZBB) program sa mga government hospital sa buong bansa.
Sa kabuuang halaga, P9.377 bilyon ang inilaan para sa pagpapatupad ng ZBB sa mga DOH hospital, habang P1 bilyon naman ang inilabas para sa anim na pilot hospital na pinamamahalaan ng mga local government unit (LGU).
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, ang pagpapalabas ng pondo ay bahagi ng pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang access ng mga Pilipino sa Universal Health Care.
“No Filipino should have to choose between getting the medical care they need and protecting their family from a hospital bill they cannot afford,” ani De Leon.
Dagdag niya, dapat maramdaman ng publiko ang pakinabang ng national budget, lalo na sa mga panahong higit na nangangailangan ng tulong ng gobyerno ang mga pamilya.
Sa Metro Manila, nasa P3.342 bilyon ang inilaan para sa mga DOH hospital upang matiyak ang pagpapatupad ng ZBB sa mga pangunahing government medical center kabilang ang mga sumusunod:
– Amang Rodriguez Memorial Medical Center
– Dr. Jose Fabella Memorial Hospital
– East Avenue Medical Center
– Jose R. Reyes Memorial Medical Center
– National Center for Mental Health
– National Children’s Hospital
– Philippine Orthopedic Center
– Quirino Memorial Medical Center
– Research Institute for Tropical Medicine
– Rizal Medical Center
– San Lazaro Hospital
– Tondo Medical Center
Samantala, P6.035 bilyon naman ang inilaan para sa mga DOH regional hospital at iba pang government health facilities sa labas ng Metro Manila.
Hiwalay namang nag-download ang DBM ng P1 bilyon para sa anim na pilot LGU hospital sa Benguet, Batangas, Laguna, Quezon, Aklan, at Sarangani.
Kukunin ang kabuuang halaga ng pondo mula sa budget ng DOH sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act (GAA).
Sa ilalim ng ZBB Program, layunin ng pamahalaan na matiyak na ang mga kwalipikadong pasyenteng na-a-admit sa mga kalahok na government hospital ay makatatanggap ng mga serbisyong pangkalusugan na may kaunti o walang natitirang hospital bill. – VC











