
Dinepensahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tree-cutting activities kaugnay ng Berong Nickel Project sa Palawan habang tiniyak na hindi pahihintulutan ang pagpuputol ng anumang puno kung walang ligal na basehan.
“We assure the public that no tree is authorized for removal without strict legal basis, environmental safeguards, and long‑term rehabilitation requirements,” ayon sa DENR.
Ang proyekto ay maihahalintulad din sa ligal at otorisadong tree-cutting activities sa Quirino Avenue para naman sa Southern Access Link Expressway (SALEX) project.
Sa ilalim ng permiso ng Berong Nickel Project, pinapayagan ang pagpuputol ng kabuuang 26,617 puno kapalit ng 43,743 saplings para sa earth-balling at transplanting.
Nilinaw ng DENR na hindi sabay-sabay ang pagpuputol ng mga puno. Ito ay ilulunsad sa kada phase para sa tuluy-tuloy na ecological recovery.
Ayon pa sa ahensya, ang proyekto ay isa sa mga may pinakamataas na mitigation standards sa bansa.
“The project carries one of the highest mitigation standards in the country, including a mandatory replacement ratio of 100 indigenous seedlings for every tree authorized for cutting —equivalent to an estimated minimum of 2,661,700 seedlings,” ayon sa DENR.
Kabilang sa mga ipapalit na puno ang indigenous at mangrove species gaya ng Pagatpat, Api-api, at iba pang native species na aprubado ng ahensya.
Maliban sa pagtatanim, inaatasan din ang proponent ng proyekto na subaybayan ang pagtubo ng mga buto sa loob ng tatlong taon.
Kasabay nito, ang nasabing kumpanya ay minamandatong hikayatin ang mga lokal na komunidad at mga residente na makibahagi sa pagtatanim at mga aktibidad kaugnay sa pangangalaga at pagprotekta para sa mga puno.
“The company must also engage local communities and families to carry out planting, maintenance, and protection activities—subject to DENR validation before any payment is released to the community to ensure transparency, quality of work, and community benefit,” pahayag ng DENR.
Inaasahan din ang pagtalima ng proyekto sa 20-meter buffer zones sa mga bahaging malapit sa ilog at iba pang dinadaanan ng tubig, rehabilitasyon ng “non-minable and protection areas,” pagsusumite ng “geo-tagged reports” at pagsunod sa mahigpit na monitoring protocols ng ahensya.
Nangako naman ang DENR na mahigpit na babantayan ang bawat bahagi ng proyekto upang tiyaking makabubuti ang bawat hakbang para sa kalikasan. – VC











