
Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang paglulunsad ng School Digital Safety Campaign upang palakasin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at magulang sa paggamit ng internet at social media.
Bahagi ang programa ng mas pinalawak na hakbang ng kagawaran upang maprotektahan ang mga mag-aaral kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa ilang paaralan.
Ayon sa DepEd, ipinakita ng mga nagdaang insidente na hindi lamang dapat nakatuon sa pisikal na seguridad sa loob ng paaralan ang mga hakbang sa kaligtasan.
Iginiit ng ahensya na kailangang bigyang-pansin ang digital space, kung saan madalas nakikipag-ugnayan, kumukuha ng impormasyon, at natututo ang mga kabataan.
Bahagi ito ng nirebisang K-10 curriculum, kung saan isinasama ang mga aralin tungkol sa digital citizenship, online safety, netiquette, at responsableng paggamit ng teknolohiya para sa mga mag-aaral mula Grade 1-10.
Sa ilalim ng kampanya, tuturuan ang mga mag-aaral ng mga praktikal na gabay tungkol sa ligtas na pakikipag-chat, pag-iwas sa online grooming at child exploitation, cyberbullying, online scams, at pagprotekta sa kanilang mga personal na impormasyon.
Tatalakayin din ang tamang paggamit ng social media at online games, tamang screen time, at kung ano ang dapat gawin kapag nakaranas ng online harassment o iba pang panganib.
Kasama sa programa ang pagbibigay ng gabay sa mga magulang upang mas maintindihan nila ang online na karanasan ng kanilang mga anak.
Makikipagtulungan ang DepEd sa DICT, PNP, DSWD, CICC, DILG, DOH, NBI, at iba pang mga ahensya upang bumuo ng mga materyales, protocol, at pagsasanay para sa kampanya.
Ayon sa DepEd, sasailalim muna sa pilot testing ang School Digital Safety Campaign sa piling mga paaralan bago ito ipatupad sa buong bansa.
Nanawagan naman ang kagawaran sa mga magulang, guro, mga opisyal ng paaralan, lokal na pamahalaan, at komunidad na makiisa sa pagprotekta sa mga bata.
Giit ni DepEd Secretary Sonny Angara, responsibilidad ng paaralan, pamilya, pamahalaan, at buong komunidad ang pagtulong sa mga bata upang maging ligtas, hindi lamang sa pisikal na mundo kundi maging sa digital world. – VC











