
Hinimok ng Department of Education (DepEd) ang mga local government unit (LGU) na maging mas tiyak sa pagtukoy sa mga lugar na kailangang suspendihin ang klase upang maiwasan ang labis na pagkaantala sa panahon ng pag-aaral ng mga estudyanteng nasa ligtas na lugar.
Bahagi ito ng isinusulong na Executive Order (EO) ng DepEd na magtatakda ng mas angkop na patakaran sa pagsususpinde at pagpapatuloy ng klase batay sa aktwal na sitwasyon sa bawat lugar.
Ayon sa DepEd, kung ilang lugar lamang ang apektado ng baha, bagyo, o iba pang panganib, maaaring tukuyin ng LGU ang partikular na mga bayan, barangay, o paaralang kailangang magsuspinde ng klase.
Isang halimbawa ang Calumpit, Bulacan, kung saan may mga paaralang binaha o ginagamit bilang evacuation center.
Gayunman, may iba pang paaralan sa lugar na hindi apektado at maaari nang magpatuloy sa face-to-face classes.
“Our request is simple: be specific when you suspend,” ani DepEd Secretary Sonny Angara.
Ayon sa DepEd, as of September 11, nasa apat na araw ang average na nawawalang araw ng klase sa buong bansa, ngunit mas mataas ang bilang sa ilang rehiyon at lokalidad.
Sa Region III, umabot sa siyam na araw ang average na nawalang araw ng klase, habang 26 na araw naman sa Pampanga.
Sa Region XII, nasa 8.4 araw ang average, habang umabot sa 28 araw sa Sarangani.
Sa Metro Manila, nasa 8.2 araw ang average, habang 25 araw naman sa Caloocan.
Ayon kay Angara, ipinapakita ng mga datos na magkakaiba ang epekto ng mga kalamidad at iba pang panganib sa bawat lugar.
Nilinaw ng DepEd na hindi layunin ng panukalang EO na alisin o bawasan ang kapangyarihan ng mga LGU na magsuspinde ng klase.
Sa halip, layunin nitong palakasin ang koordinasyon ng LGU sa local disaster risk reduction and management office at sa mga kinauukulang education authority, kabilang ang Schools Division Superintendent.
Inaprubahan ng Social Development Committee ng Cabinet Cluster ang panukalang EO noong Setyembre 3, matapos ang mga konsultasyon sa mga kinatawan ng sektor ng edukasyon, komunidad, pamahalaan, at mga LGU. – VC











