IBCTV13
www.ibctv13.com

DILG, hinimok ang LGUs na palakasin ang water, energy security sa gitna ng banta ng Super El Niño

109
Views

[post_view_count]

The Department of the Interior and Local Government (DILG) urged local government units (LGUs) to strengthen preparedness against El Niño to protect critical infrastructure and ensure uninterrupted water and energy services. (File photo of PNA)

Hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga local government units (LGUs) na paigtingin ang kanilang paghahanda sa Super El Niño upang maprotektahan ang mahahalagang imprastraktura at matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig at enerhiya.

Sa inilabas na advisory, inatasan ang mga local chief executives na i-update ang kanilang mga contingency at response plan para sa El Niño, magpatupad ng mga precautionary measures, at bumuo o muling magtatag ng Local El Niño Teams.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang maagap na paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang epekto ng naturang climate phenomenon.

Nitong Martes, Oktubre 13, pinulong ng Pangulo ang mga pangunahing ahensya ng pamahalaan upang talakayin ang kahandaan ng mga ospital, seguridad sa pagkain at tubig, cloud seeding, tulong sa mga apektadong magsasaka, at mga alternative learning arrangements.

Para matiyak ang sapat na suplay ng tubig, hinikayat ng DILG ang mga LGU na pabilisin ang pag-isyu ng mga permit para sa agarang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga pipeline.
Kabilang din sa mga hakbang ang pagpapatupad ng mga limitasyon sa non-essential water use, gayundin ang pagsusulong ng water recycling, rainwater harvesting, at pagtatayo ng mga pasilidad para sa pag-iipon ng ulan.

Sa seguridad ng enerhiya, pinatitibay ng ahensya ang pangangailangan para sa mga backup power system, maagang pagpaplano sa suplay ng gasolina, at pag-iimbak ng sapat na reserba.

Pinatitiyak din sa mga ospital, water supply systems, pampublikong paaralan, evacuation center, at mga emergency operations at command center ng pamahalaan ang pagkakaroon ng sapat na backup power, imbakan ng tubig, at resupply plans para mapanatili ang essential services.

Inatasan na ng DILG ang mga local leader na ipulong ang kani-kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs), Local Development Councils (LDCs), Local Peace and Order Councils (LPOCs), at Local Price Coordinating Councils (LPCCs) upang pagtugmain ang mga hakbang sa pagpapagaan ng epekto ng El Niño.

Hinikayat din ang mga LGU na unahin ang mga evidence-based programs, projects, and activities (PPAs) na magpapalakas sa seguridad sa tubig at enerhiya, katatagan ng sektor ng agrikultura, at kabuhayan ng mga mamamayan.

Binigyang-diin ng DILG na mahalaga ang maagang paghahanda at pinagsamang pagkilos ng mga LGU upang mabawasan ang epekto ng El Niño, maprotektahan ang mga komunidad, at matiyak na mananatiling gumagana ang mahahalagang serbisyo para sa mamamayan. – VC