IBCTV13
www.ibctv13.com

DOE, hinahanda na ang mga kabataan para sa nuclear energy program sa Pilipinas

122
Views

[post_view_count]

DOE Secretary Sharon Garin during the opening of the World Nuclear Supply Chain and Philippine International Nuclear Energy Forum in Taguig City today, October 20. (Screengrab from DOE)

Patuloy na isinusulong ng Department of Energy (DOE) ang paghahanda ng Pilipinas sa paggamit ng nuclear energy bilang bagong pagkukunan ng malinis at maaasahang kuryente sa bansa.

Bilang bahagi ng hakbang, mahigit 100 senior high school students at guro ang lumahok sa pagbubukas ng dalawang araw na NEWclear Generation: Building the Philippines’ Future Workforce program sa Taguig City ngayong Martes, Oktubre 20.

Isinagawa ang programa kasabay ng World Nuclear Supply Chain Conference at Philippine International Nuclear Energy Forum 2026 upang ipakilala sa mga mag-aaral ang mga oportunidad sa larangan ng nuclear science, engineering, at technology.

Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, hindi sapat ang teknolohiya at pamumuhunan upang makapagtayo ng nuclear energy program dahil kailangan din ng mga propesyunal upang matiyak ang maayos na pagpapatakbo sa industriya.

“A nuclear energy program cannot be built with technology and investment alone. It requires people with the knowledge, skills, discipline, and integrity to meet the highest standards of safety and responsibility,” ani Garin.

Target ng nuclear energy roadmap ng Pilipinas na magkaroon ng 1,200 megawatts (MW) nuclear capacity pagsapit ng 2032, na tataas sa 2,400 MW sa 2035, at 4,800 MW sa 2050.

Upang maabot ang target na ito, kailangang maglaan ng pondo para sa edukasyon at pagsasanay ng mga taong magtatrabaho sa industriya.

Kabilang sa mga lumahok sa unang araw ng programa ang mga mag-aaral mula sa Marikina Science High School, Taguig Science High School, Polytechnic University of the Philippines Laboratory High School at Mapua University Senior High School.

Sa pamamagitan ng mga aktibidad, natutunan ng mga estudyante ang iba’t ibang trabaho sa nuclear industry at kung anong kurso at kasanayan ang kailangan upang makapasok dito.

Kabilang sa mga trabahong kailangan sa industriya ang mga engineer, scientist, technician, safety specialist, at mga skilled professionals.

Hinikayat naman ni Garin ang mga estudyante na samantalahin ang pagkakataon upang matuto mula sa mga eksperto at malaman kung paano sila makapaghahanda para sa mga trabahong may kaugnayan sa nuclear power.

Para sa ikalawang araw ng programa, mga estudyante sa kolehiyo naman ang bibigyang-pansin sa ilalim ng temang “From Degree to Career: Building Your Place in the Nuclear Workforce.”

Makikilahok dito ang mga estudyante sa University of the Philippines Diliman, Technological University of the Philippines-Taguig, at Mapua University.

Ang mga programa ay bahagi ng broader international gathering na inorganisa ng World Nuclear Assocaition at DOE, sa tulong ng ASEAN Centre for Energy, na naglalayong talakayin ang mga plano at oportunidad sa pagpapaunlad ng nuclear power sa Pilipinas at sa rehiyon. – VC