
Pinaghahandaan ng Department of Energy (DOE) ang posibleng pagtaas ng singil sa kuryente at pagdami ng insidente ng blackout sa bansa dahil sa matinding init na dulot ng Very Strong El Niño.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, bumuo ang DOE ng Task Force on Energy Resiliency para pag-aralan ang magiging epekto ng El Niño sa suplay ng kuryente at matukoy ang mga hakbang na maaaring gawin ng pamahalaan.
Hinimok niya ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente bilang paghahanda sa inaasahang pagtaas ng konsumo.
“The appeal is for the public to be aware of this so that we can already start having the mindset of energy saving,” ani Garin.
Kaugnay nito, isinusulong ng Pilipinas ang mas matibay na pagtutulungan ng mga bansa sa ASEAN sa suplay ng enerhiya.
Sa 44th ASEAN Ministers on Energy Meetings, sinabi ni Garin na ipinatutupad na ng mga miyembrong bansa ang pinalakas na kasunduan para sa pagbuo ng framework kaugnay sa planong submarine power cables sa ilalim ng isinusulong na ASEAN Power Grid.
Bilang ASEAN Chair, iminungkahi ng Pilipinas ang pitong energy annual priorities na layong palakasin ang kahandaan ng rehiyon sa mga posibleng krisis.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng shared oil at gas supply ng mga bansa sa ASEAN upang magkaroon ng karagdagang mekanismo sa pagtugon sa mga banta sa suplay.
Ayon kay ASEAN Secretary General Dr. Kao Kim Hourn, mahalaga ang pagtutulungan ng mga bansa upang hindi mapag-iwanan ang alinmang estado sa harap ng pandaigdigang hamon sa langis.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-aaral ng ASEAN Centre for Energy sa mga bagong pamumuhunan sa battery energy storage systems para sa paglipat sa renewable energy at pagpondo sa nuclear power plant.
Inaasahang ilulunsad ang 9th ASEAN Energy Outlook, na magsisilbing gabay sa direksyon ng kooperasyon ng ASEAN sa sektor ng enerhiya para sa taong 2026 hanggang 2030. (Ulat mula kay Crystal Ramizares) – VC











