IBCTV13
www.ibctv13.com

DOLE Region III director, pinatawan ng preventive suspension kaugnay sa gumuhong gusali sa Pampanga – Sec. Tolentino

Kristel Isidro
59
Views

[post_view_count]

Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino, DOLE Region III Director Geraldine Panlilio. (Photo courtesy of RTWPB via PIA, Senate PRIB)

Inanunsyo ni bagong talagang Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino ang pagsasailalim sa isang buwang preventive suspension ni DOLE Region 3 Director Geraldine M. Panlilio Region III.

Kaugnay ito sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa pagguho ng siyam na palapag na gusali sa Brgy. Balibago, Angeles City, Pampanga nitong Linggo, Mayo 24.

Ginawa ni Tolentino ang pahayag isang araw matapos siyang italaga bilang bagong kalihim ng DOLE, kapalit ni dating Secretary Bienvenido Laguesma.

“I’ll be placing Director Geraldine Panlilio under preventive suspension for one month while investigation is ongoing,” ani Tolentino.
Paliwanag pa ng kalihim, layunin ng suspensyon na matiyak ang maayos na imbestigasyon kaugnay ng pag-alis sa ipinatupad na Work Stoppage Order (WSO) sa proyekto.

Matatandaang naglabas ang DOLE ng WSO sa proyekto noong Setyembre 2025 dahil sa umano’y paglabag sa occupational safety and health violations, kabilang ang kakulangan sa protective equipment at hindi ligtas na kondisyon sa trabaho.

Ang gumuhong gusali na nasa ilalim ng konstruksyon sa Pampanga ay ikinasawi ng apat na katao, habang 16 iba pa ang iniulat na nawawala.

Ayon kay Tolentino, pansamantalang hahalili kay Panlilio ang assistant director ng DOLE Region 3 habang nasa ilalim ang opisyal sa preventive suspension.

Samantala, sinabi ni Bureau of Fire Protection (BFP) Public Information Officer Fire Supt. Maria Leah Sajili na sinusuri na ng mga awtoridad ang posibleng pananagutan ng kontratista ng gusali, kabilang ang mga permit at pagsunod sa itinakdang safety protocols sa konstruksyon. – MP