IBCTV13
www.ibctv13.com

DSWD, agad na nagpaabot ng suporta sa mga biktima ng gumuhong gusali sa Angeles City at sunog sa Taguig

Khengie Hallig
64
Views

[post_view_count]

Photo from BFP NCR Taguig

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mabilis na kumilos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang magpaabot ng tulong at suporta sa mga biktima ng nagdaang sakuna sa Pampanga at Taguig City kamakailan.

Isa sa agarang aksyon ng ahensya ang paglalaan ng paunang humanitarian aid na nagkakahalaga ng P464,000 para sa mga nakaligtas at kaanak ng mga nasawi sa gumuhong gusali sa Brgy. Balibago sa Angeles City, Pampanga noong Linggo, Mayo 24.

Kabilang sa mga pangunahing tulong na handog ng DSWD Field Office (FO) 3 ang family food packs (FFPs), non-food items (NFIs), ready-to-eat food (RTEF) boxes, financial aid, at psychosocial interventions.

Mayroon ding handog na transportation assistance ang DSWD FO-3 sa siyam na apektadong manggagawa na nais bumalik sa kanilang probinsya, kung saan tiniyak ng ahensya na makatatanggap sila ng livelihood support sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).

Samantala, mabilis ding kumilos ang DSWD para magpadala ng paunang tulong para sa mga residenteng apektado ng sumiklab na sunog sa Sta. Ana, Taguig City nitong Lunes, Mayo 25.

Ayon kay DSWD Assistance Secretary and Spokesperson Irene Dumlao, napick-up na ang 700 family food packs at 700 ready-to-eat food (RTEF) boxes nitong umaga ng Martes, Mayo 26, na ipamamahagi sa mga biktima sa lugar.

Handa rin ang ahensya na magbigay ng karagdagan pang suporta gaya ng sleeping kits at kitchen kits sakaling kakailanganin ng 684 pamilyang apektado.

Tuluy-tuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa lokal na pamahalaan ng Angeles City at Taguig City upang agad na matugunan ang kakailanganin pang suporta ng mga biktima ng mga nagdaang sakuna. – MP