
Nakahanda na ang higit tatlong milyong family food packs (FFPs) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaaring ipamahagi sa local government units (LGUs) sa oras na lumakas ang bagong low pressure area (LPA) na inaasahang papasok sa Philippine of Area of Responsibility ngayong linggo.
Ayon kay DSWD spokesperson and Asst. Secretary Irene Dumlao, malaki ang posibilidad na lumakas ang LPA at maging bagyo kaya maagang naghanda ang ahensya ng mga relief good.
“Ayon sa ulat ng PAGASA, may malaking posibilidad na ang LPA ngayong linggo ay lumakas at maging bagyo. Patuloy ang paghahanda ng DSWD at may nakahandang higit 3 million na food packs sa iba’t ibang warehouses,” ani Dumlao.
Kabilang sa mga kasalukuyang stockpile ang 78,253 FFPs sa Luzon Disaster Resource Center (LDRC), 220,927 FFPs sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Mandaue City, Cebu, at 151,304 FFPs sa Mindanao Disaster Resource Center (MDRC) sa Butuan City.
Maliban sa food packs, mayroon pang Quick Response Fund (QRF) na P101.36 bilyon ang DSWD para sa kasalukuyan at susunod na operasyon sa pagtugon sa kalamidad.
“Bagamat tuloy-tuloy ang ginagawang pagtulong ng DSWD sa mga naapektuhan ng mga nagdaaang sama ng panahon, mayroon pa rin pong sapat na pondo ang ahensya para sa mga disaster response operations buong taon,” saad ni Dumlao.
Dagdag niya, umabot na sa mahigit P147.22 milyon ang kabuuang standby funds ng ahensya, kabilang ang QRF na nasa DSWD Central Office.
Samantala, kabuuang P2.6 bilyon naman ang halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi na ng DSWD sa mga lugar na naapektuhan ng pinagsamang epekto ng pinalakas na habagat, at mga bagyong Luis, Maymay, Neneng, at Pilandok.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga LGU upang matukoy ang karagdagang pangangailangan ng mga internally displaced person (IDP) na nasa evacuation center, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. – VC











