
Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na simulan sa susunod na linggo ang pamamahagi ng libreng family water filtration kits bilang paghahanda sa mga posibleng epekto ng Super El Niño.
Sinabi ito ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa press briefing ngayong Miyerkules, Oktubre 14, kung saan ipinaliwanag niya ang layunin ng filtration kit na matulungan ang mga komunidad na walang sapat na access sa malinis na tubig sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Gatchalian, sabay-sabay na ipapamahagi ng DSWD ang mga filtration kit sa mga komunidad, ngunit uunahin ang mga lugar na kasalukuyang nasa ilalim ng State of Calamity.
“Sabay-sabay nationwide, pero uunahin natin ang mga lugar na nasa State of Calamity na dahil obviously doon nagiging problema na ang drinking water,” ani Gatchalian.
Ayon sa kalihim, maaaring magkabit mismo ang mga tauhan ng DSWD ng mga filtration kit sa mga barangay o ipamahagi ang mga ito mismo sa bawat pamilya.
“Ang plano ng DSWD starting next week, magkakaroon tayo ng barangay installation or later on pwede naming ibigay na lang yung kit, sila na ang mag-install sa mga tahanan nila,” ani kalihim.
Sa ngayon, marami nang nakaimbak na water filtration kits sa mga bodega ng ahensya, kasama ang jerry can na ipinagkakaloob din ng DSWD sa mga evacuation center.
Ayon kay Gatchalian, maaaring tumagal nang hanggang limang taon ang filtration kit kung lilinisin at pananatilihing maayos ang kondisyon nito.
“The kit can last for five years, basta lilinisin ng tama. It’s just washing,” ani Gatchalian.
Binigyang-diin din ng kalihim na walang bayad ang mga filtration kit at ligtas gamitin ang mga ito batay sa sertipikasyong nakuha mula sa Department of Health (DOH).
Kinikilala ng DOH ang filtration kit bilang isang medical device, na kayang mag-alis ng hanggang 99.99999% ng kontaminasyon.
Kabilang sa mga nilalaman ng bawat kit ang bucket adapter filter assembly, drill bit, filter hanger, cleaning plunger, at direksyon sa wastong paggamit nito.
Ang mga filtration kit ay mula sa Waves for Water Organization Inc. at sertipikado ng Food and Drug Administration (FDA).
Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na bahagi lamang ang pamamahagi ng mga water filtration kit ng mga hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang publiko na makapaghanda sa posibleng epekto ng Super El Niño. – VC











