
Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat ang suplay ng inuming-tubig at iba pang pangunahing bilihin upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer sa gitna ng inaasahang epekto ng El Niño.
Ayon kay DTI Secretary Cristina Roque, nagsagawa mismo ng inspeksyon ang ahensya sa isang planta ng bottled water upang matiyak na sapat ang inventory at suplay ng inuming-tubig sa mga susunod na buwan.
“Pumunta tayo sa planta ng Philippine Spring Water, just to check kung mayroon tayong enough inventory or enough water supply para sa parating na El Niño, and we have enough,” ani Roque.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na walang dahilan upang mag-panic ang publiko dahil sapat ang imbentaryo ng mga manufacturer.
Sinabi ng DTI na may sariling logistics at distribution network ang mga kumpanya upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay sa mga konsyumer.
Samantala, tiniyak din ng DTI na nananatiling stable ang presyo ng mga basic necessities and prime commodities (BNPCs) na sakop ng price monitoring ng ahensya.
“For the basic necessities and prime commodities na yung produkto ay kontrolado ng DTI at mino-monitor ng DTI ang prices, again there’s no price increase. Walang pagtaas ng presyo, stable ang presyo,” ani Roque.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng DTI sa mga manufacturer at retailer upang matiyak ang pagsunod sa mga itinakdang presyo ng pamahalaan.
“We closely monitor and we work very closely now always with the manufacturers and retailers and tuloy-tuloy po yung monthly consultations namin,” dagdag ng kalihim.
Ayon kay Roque, maaaring makita ng mga konsyumer sa social media accounts ng DTI at sa mga grocery store ang listahan ng mga itinakdang presyo para sa BNPCs.
Sa huli, hinimok ng kalihim ang publiko na maging pamilyar sa suggested retail prices upang agad nilang matukoy kung may mga manufacturer o retailer na nagbebenta nang lampas sa presyong pinapayagan ng DTI.
“Consumers can report concerns through the DTI hotline or directly through the DTI website if may manufacturer na mananamantala o lumabag sa price na ni-set ng DTI,” saad ni Roque. – VC











