
Ipinatawag ni Executive Secretary Ralph Recto ang UPLIFT Committee para sa isang pagpupulong nitong Huwebes, Setyembre 17 upang paigtingin ang paghahanda ng pamahalaan sa epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East at pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Recto, kailangang kumilos agad ang gobyerno at hindi na hintaying lumala ang sitwasyon bago magpatupad ng mga hakbang para maprotektahan ang publiko.
“Malinaw ang utos ng Pangulo: kumilos agad, unahan ang paglala ng sitwasyon, at protektahan ang bawat Pilipino,” ani Recto.
Sa pulong, tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang kasalukuyang suplay ng langis sa bansa.
Batay sa datos as of September 14, katumbas ng 57.2 araw ang suplay ng gasolina, 60.8 araw para sa diesel, at 39.3 araw para sa liquified petroleum gas (LPG).
Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sapat ang pondo nito para ipagpatuloy hanggang katapusan ng taon ang pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng pinalawak na UPLIFT program.
Sa kasalukuyan, nasa 5.79 milyong Pilipino na ang nakatanggap ng kabuuang P11.89 bilyong ayuda.
Itinaas naman ng Department of Transportation (DOTr) ang fuel discount mula P10 hanggang P12 kada litro, na maaaring magbigay ng hanggang P1,800 na matitipid kada linggo para sa mga benepisyaryo.
Patuloy ang toll exemption para sa provincial buses at waiver sa terminal fees ng mga public utility vehicle sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) hanggang katapusan ng taon.
Mayroong 50% fare discount sa MRT-3 at LRT-2, P1 roll-on/roll-off terminal fee, at Libreng Sakay sa ilang lugar.
Sa sektor ng agrikultura, iniulat ng Department of Agriculture (DA) na 2.59 milyong magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng kabuuang P6.03 bilyon na tulong-pinansyal sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP).
Kasabay niyan ang fuel assistance para sa 7,185 mangingisda at 13,701 magsasaka upang makatulong sa kanilang gastusin sa operasyon.
Sinabi naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na handa itong palawakin ang kanilang emergency employment assistance sa pamamagitan ng TUPAD.
Base sa datos, 20,717 na ang nabigyan ng tulong sa ilalim ng TUPAD Tuloy Pasada, habang 195,638 naman ang nakatanggap ng employment assistance para sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa kalusugan, mahigit 2.5 milyong pasyente na ang natulungan sa ilalim ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng Department of Health (DOH).
Samantala, iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na may sapat pang pondo para sa patuloy na repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng sigalot sa Middle East.
As of September 11, nasa 14,026 Overseas Filipino Workers (OFWs) na ang ligtas na nakauwi at nabigyan ng reintegration assistance.
Ayon kay Recto, patuloy na nakikipag-ugnayan ang UPLIFT Committee sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mapalawak ang ayuda para sa mga sektor na higit na maaapektuhan sakaling lumala pa ang sitwasyon. – VC











