IBCTV13
www.ibctv13.com

First Lady Liza, naghatid ng pag-asa sa New Bilibid Prison; higit 40 kwalipikadong PDLs, napalaya

239
Views

[post_view_count]

First Lady Liza Araneta-Marcos personally visited persons deprived of liberty (PDL) at the New Bilibid Prison to lead an outreach program on Tuesday, October 20. (Photo courtesy of First Lady Liza Marcos Office)

Pinangunahan ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang outreach program sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa nitong Martes, Oktubre 20, bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang isulong ang rehabilitasyon ng mga person deprived of liberty (PDL) sa bansa.

Sa ilalim ng Kalinga, Katarungan, at Kalayaan program, nakiisa siya sa painting activities kasama ang mga PDL at naghatid ng healthcare at legal services sa Medium Security Camp ng pasilidad.

Isinagawa ang aktibidad upang mabigyan sila ng pagkakataong maipahayag ang kanilang sarili sa pamamagitan ng sining.

Sa kanyang mensahe, hinimok ng First Lady ang mga PDL na patuloy na matuto, tuklasin ang kanilang kakayahan, at huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng kanilang nakaraan.

“Always try to learn something new, so you’ll discover what you’re capable of, and most important, don’t lose hope. Hindi po natin mababago ang kahapon, pero marami pa tayong maaaring gawin para sa bukas,” saad ng First Lady.

Bahagi ng programa ang isang dermatological medical at wellness mission upang ma-check ang kalusugan ng mga PDL at matiyak ang kanilang pisikal at emosyonal na kapakanan.

Dinala rin ng Unang Ginang ang legal services para sa mga kwalipikadong PDL na maaaring makalaya matapos ang pag-aaral sa kanilang mga kaso at pagkumpleto ng mga kinakailangang dokumento.

Mahigit 200 abogado at kinatawan ng iba’t ibang organisasyon ang nagtungo sa NBP upang tumulong sa pagrepaso ng mga kaso at pagproseso ng mga dokumento.

Batay sa datos, 43 PDLs ang napalaya sa isinagawang programa, habang pinoproseso naman ang mga dokumento ng mahigit 1,000 iba pa para sa posibleng paglaya sa mga susunod na linggo.

Samantala, pinasalamatan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., ang personal na pagdalo at patuloy na suporta ng First Lady sa mga programa ng ahensya.

Ayon kay Catapang, mahalaga ang ganitong mga inisyatiba sa pagtataguyod ng dignidad ng mga PDL, pagpapalawak ng access sa kanilang hustisya, serbisyong pangkalusugan, at pagsusulong ng kanilang rehabilitasyon,” ani Catapang.

“Your presence inspires us to pursue a correctional system that is not merely to secure or discipline the PDLs, but also to provide a humane, responsive, and committed genuine transformation,” ani Catapang. – VC