IBCTV13
www.ibctv13.com

Furukuwa Electric, mamumuhunan ng P17-B sa Pilipinas; 4,000 trabaho para sa mga Pilipino, posibleng malikha

Kristel Isidro
97
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. met with executives of Furukawa Electric Co. Ltd.
during his four-day State Visit to Japan last Thursday, May 28. (Photo courtesy of PCO)

Mamumuhunan ang Japanese firm na Furukawa Electric Co. Ltd. ng kabuuang P17 bilyon para sa pagpapalawak ng produksyon ng advanced heat sink modules at thermal management products sa Pilipinas, na inaasahang makalilikha ng 4,000 karagdagang direct at indirect jobs para sa mga Pilipino.

Tinalakay ang planong pamumuhunan sa naging pagpupulong nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Furukawa Electric President at CEO Hideya Moridaira nitong Huwebes, Mayo 28, bilang bahagi ng apat na araw na state visit ng Pangulo sa Tokyo, Japan.

Saklaw ng proyekto ang pagpapalawak ng operasyon ng Furukawa Electric Thermal Management Solutions and Products Laguna, Inc. (FTL) sa loob ng Laguna Technopark.

Layunin ng expansion na mapalakas ang production capacity ng kumpanya upang matugunan ang lumalaking demand para sa high-performance heat sinks na ginagamit sa heat dissipation at cooling ng processing units tulad ng CPUs at GPUs sa mga data center.

Bahagi ang proyekto ng mas malawak na capital expenditure program ng Furukuwa Electric, na nagkakahalaga ng tinatayang JPY 55 bilyon o katumbas ng halos P20 bilyon, kabilang ang mga pamumuhunan nito sa Pilipinas at iba pang bansa.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque, sumasalamin ang bagong pamumuhunan ng patuloy na pagtitiwala ng mga Japanese investor sa Pilipinas bilang production base para sa advanced electronics at next-generation technologies.

Tinalakay din sa pulong ang posibilidad ng mas malalim na kooperasyon sa technology transfer, workforce development, supplier development, at advanced manufacturing capabilities, habang patuloy na pinalalakas ng Pilipinas ang posisyon nito sa regional at global electronics at semiconductor supply chains.

Nagtapos ang pagpupulong sa pagpapahayag ng magkabilang panig ng optimismo para sa patuloy na pagpapalawak ng operasyon ng Furukuwa Electric sa bansa at mas matibay na kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa larangan ng advanced manufacturing, electronics, at digital infrastructure. – IP