
Pinalawak ng Government Service Insurance System (GSIS) ang Emergency Loan Program nito na nagkakahalaga ng halos P8 bilyon para sa 317,721 miyembro at pensiyonado na nakatira sa 16 lugar na idineklarang nasa state of calamity.
Layunin ng programa na magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong miyembro at pensyonado na naapektuhan ang bahay, kabuhayan, at komunidad dahil sa mga kalamidad.
Sakop ng pinalawak na programa ang mga lugar na sinalanta ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, gayundin ng pinalakas na southwest monsoon o habagat.
Maaaring makahiram ng hanggang P20,000 ang mga kwalipikadong miyembro at pensiyonado.
Para naman sa mga may umiiral nang emergency loan, maaari silang makahiram ng hanggang P40,000, ngunit ibabawas dito ang natitirang balanse ng kanilang kasalukuyang loan.
Nagkakaiba ang deadline ng aplikasyon depende sa lugar, na magsisimula sa Setyembre 20 at aabot hanggang Nobyembre 16.
Pinakamaaga ang deadline ng aplikasyon sa Hagonoy, Bulacan at Masinloc, Zambales, habang hanggang Nobyembre 12 ang aplikasyon sa Cavite at hanggang Nobyembre 16 naman sa Rodriguez, Rizal.
May interest rate na 6% ang emergency loan, na kinakalkula nang advance, at babayaran sa loob ng 36 buwan.
Ang buwanang amortization ay P655.56 para sa P20,000 na loan at P1,311.11 naman para sa P40,000 na loan.
Maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong borrower sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application, kung saan direktang ikikredito ang loan proceeds sa accredited eCard o UMID card ng borrower. – VC











