
Umabot sa 305.4 millimeters ang kabuuang ulan na naitala sa Quezon City sa loob ng tatlong araw dulot ng pinalakas na habagat na nagdala ng matinding pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon noong Agosto 28, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Katumbas ito ng mahigit 300 litro ng tubig, o tinatayang dami ng tubig na maaaring magpuno sa humigit-kumulang 1,000 blue drums na ibubuhos sa isang standard na basketball court.
Ayon sa PAGASA, pinalakas ng isang low-pressure-area (LPA) na nasa hilagang-silangan ng Pilipinas ang habagat, dahilan upang lumawak ang mga lugar na nakaranas ng matinding pag-ulan sa Luzon.
Mas mabibigat na pag-ulan ang naobserbahan sa mga kanlurang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila at Rizal.
Nakaapekto rin ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga pangunahing dam, kung saan lumampas sa spilling level ang Ipo Dam, habang nalampasan naman ng La Mesa Dam ang overflow elevation nito.
Dahil sa malakas na pag-ulan, nakaranas ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang lugar, na nagdulot ng pinsala sa imprastraktura, ari-arian, at pagkaantala sa transportasyon.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa tinatayang P8 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura at imprastraktura dulot ng pinalakas na habagat.
Samantala, sinabi ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Chief Ana Liza Solis na tumitindi ang habagat na nararanasan ng bansa dahil sa mga katangian ng umiiral na El Niño.
Inaasahang lalakas ang El Niño mula Oktubre 2026 hanggang Pebrero 2027, na maaring magdulot ng mas mataas na posibilidad ng below-normal-rainfall at tagtuyot sa maraming bahagi ng bansa, kasabay ng warmer-than-usual temperature.
“Possible po is up to first half po ng 2027. So, ibig sabihin maaaring ito po magtutuloy-tuloy dun sa pagpasok ng warm and dry season months natin. Dahil usually po kahit papatapos na po or humihina na yung El Niño ay meron pa rin po itong extension,” ani Solis. – VC











