IBCTV13
www.ibctv13.com

Hindi paglalabas ng school records dahil sa hindi bayad na matrikula, isinusulong na ipagbawal

Kristel Isidro
262
Views

[post_view_count]

University of Southeastern Philippines registrar office. (Photo courtesy of USeP)

Inihain ni Senador Risa Hontiveros ang Senate Bill No. 1964 o “Right to Student Records Act,” na naglalayong ipagbawal sa mga paaralan ang pagpigil o pag-hold sa paglalabas ng official records ng mga mag-aaral dahil sa hindi pagbabayad ng matrikula o iba pang bayarin.

Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal sa mga educational institution ang hindi pagbibigay ng transcript of records (TOR), report card, diploma, certificate, at transfer credentials ng mga estudyante o dating estudyante sa ilang sitwasyon.

Kabilang dito ang kasong hindi buo o hindi agad nababayaran ang matrikula kung mapapatunayang may kakulangan sa kakayahang pinansyal ang isang mag-aaral.

Hindi rin maaaring pigilan ang paglipat ng estudyanteng wala nang natitirang obligasyong pinansyal, o gumawa ng hakbang na maituturing na diskriminatoryo at labag sa mga umiiral na batas.

Para sa basic education, pangangasiwaan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad nito, habang ang UniFAST katuwang ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang magpapatupad sa tertiary education.

Binibigyan din ng kapangyarihan ang DepEd, CHED, at TESDA na tumanggap at magsiyasat ng mga reklamo at magpataw ng parusa tulad ng pagbababa ng babala, pagmumulta, at suspensyon laban sa mga lalabag. – VC