
Nakikita ng isang economist ang infrastructure spending bilang pangunahing susi upang makabawi at makabangon ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga pandaigdigang hamon na nakakaambag sa inflation.
Ayon kay Dr. Bernardo Villegas, bumaba ng humigit-kumulang 30% ang infrastructure spending ng bansa na nagpabagal sa paglago ng ekonomiya.
Inaasahang makakaambag sa pagtaas ng inflation ang nakaambang Super El Niño na maaaring maranasan hanggang unang quarter ng 2027 at ang patuloy na paggalaw ng presyo ng krudo sa global market bunsod ng tensyon sa Middle East.
Sa pagtataya ni Villegas, maaaring umabot sa 10% hanggang 12% ang food inflation sa Pilipinas dahil sa mataas na presyo ng langis at pagbaba ng suplay ng pagkain na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Villegas, higit na supply-driven ang kasalukuyang inflation, kaya limitado ang epekto ng mataas na interest rates sa pagpigil sa pagtaas ng presyo.
Sa kakulangan sa suplay, iminungkahi ng ekonomista na mag-angkat ng mga pangunahing pagkain kung hindi sasapat ang local production upang maiwasan ang karagdagang pagtaas ng presyo.
Iginiit ni Villegas na kailangang sabayan ito ng mga hakbang upang maprotektahan ang lokal na mga magsasaka.
Sa usapin naman ng langis, sinabi ni Villegas na limitado ang kayang gawin ng Pilipinas sa pamamagitan ng diplomasya dahil pandaigdigan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Maaari aniyang makatulong ang paglalabas ng oil reserves ng ibang bansa upang madagdagan ang pandaigdigang suplay at mapigil ang mas malaking pagtaas ng presyo, ngunit hindi ito nangangahulugang agad na babagsak ang presyo ng langis.
Umaasa naman si Villegas na maibabalik ang antas ng paggasta sa imprastraktura habang nililinis at inaayos ang mga proseso sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kung maaabot aniya ang infrastructure spending na katumbas ng 6% ng gross domestic product (GDP), naniniwala ang eksperto na maaaring makamit ang 7% economic growth ng Pilipinas sa 2027.
Samantala, sinabi niya na ikalawa ang consumer spending sa malaking “engine of growth” na mahigit 75% ng GDP.
Aniya, kapag nakikitang bumubuti ang ekonomiya, maaaring muling lumakas ang paggastos ng mga consumer. – VC











