IBCTV13
www.ibctv13.com

Libreng toll fee, hatid ng bagong bukas na CALAX Subsection 3 sa loob ng isang buwan – PBBM

Kristel Isidro
133
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr., together with other key government officials, at the inauguration of Cavite-Laguna Expressway (CALAX) Subsection 3 in Cavite on Monday, May 4. (Photo courtesy of PCO)

Upang agad na maranasan ang ginhawa ng mga motorista, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang libreng pagdaan sa bagong 7.88 kilometrong Cavite-Laguna Expressway (CALAX) Subsection 3 sa loob ng isang buwan simula ngayong Lunes, Mayo 4.

Pinangunahan ng Pangulo ang pagbubukas sa naturang bahagi ng expressway, na nakatakdang buksan sa motorista simula mamayang alas-12 ng hatinggabi ng Mayo 5 at sasaklaw mula sa Governor’s Drive Interchange hanggang Aguinaldo Interchange.

Mula sa kasalukuyang 30 minutong biyahe, limang minuto na lamang ang bubunuin mula Aguinaldo hanggang Governor’s Drive, habang mula sa kasalukuyang isang oras ay magiging 26 minuto na lamang ang paglalakbay mula Biñan City, Laguna hanggang General Trias City, Cavite.
Kabilang sa mga dumalo sa pagbubukas ng CALAX Subsection 3 sina DILG Secretary Jonvic Remulla, DPWH Secretary Vince Dizon, DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, at MPTC President Emeritus Jose Ma. K. Lim.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 26 kilometro ang kabuuang haba ng CALAX mula Mamplasan, at inaasahang aabot pa sa 44.6 kilometro sa oras na ganap nang natapos.

Kumpyansa naman ang Pangulo na ganap na mararamdaman ang mas mabilis at maginhawang pagbyahe sa mga papasok sa Metro Manila.

Magdurugtong ang kalsada sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) sa Kawit hanggang sa South Luzon Expressway (SLEX) sa Mamplasan, na magpapatibay sa transport network sa Timog Luzon. – MP