
Inilabas na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang listahan ng apat na special payout sites para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers sa Metro Manila, na may unclaimed at additional beneficiaries, na gaganapin bukas, Abril 16.
Maaaring i-check ng mga benepisyaryo ang kanilang mga pangalan mula sa inilabas na listahan ng LTFRB upang matiyak na tugma ang kanilang pangalan sa kanilang valid driver’s license na ipapakita sa payout site.
Pinayuhan ang mga diver na agad ipagbigay-alam sa LTFRB ang anumang maling detalye tulad ng maling baybay ng pangalan o kakulangan sa impormasyon, kung saan maari silang makipag-ugnayan sa pamamagitan ng official Facebook page ng ahensya, Viber hotline, email ng Public Assistance and Complaint Desk, o sa kanilang kinabibilangang Transport Network Companies (TNCs).
Kukumpirmahin ng LTFRB sa DSWD ang pinal na listahan ng mga benepisyaryo matapos ang kanilang validation process, mula sa isinumiteng pangalan ng iba’t ibang TNCs upang maiwasan ang duplication ng pagtanggap ng ayuda.
Narito ang mga payout site sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kung saan ipapamahagi ang special payout:
• Caloocan Sports Complex, Caloocan City
— Para sa mga benepisyaryo mula sa Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela
• Quezon City Memorial Circle, Quezon City
— Para sa Quezon City, Marikina, Pasig, at San Juan
• Makati Coliseum, Makati City
— Para sa Makati, Mandaluyong, Manila, at Pasay
• TLC Park Concert Ground, Taguig City
— Para sa Taguig, Las Pinas, Muntinlupa, Paranaque, Pateros
Pinapayuhan ang mga benepisyaryo na alamin ang eksaktong iskedyul ng payout sites sa official Facebook page ng DSWD.
Samantala, inilabas na rin ng DSWD ang additional special payout schedule para sa Metro Manila PUJ at TODA drivers na nakatakdang isagawa sa Biyernes, Abril 17. – VC











