IBCTV13
www.ibctv13.com

MAIFIP Program ng DOH, handog ang tulong-medikal sa mga Pilipinong walang sapat ang kita at kakayahang makapagbayad

115
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally visited patients at East Avenue Medical Center in Quezon City on August 19, 2025. (File photo of PBBM/Facebook)

Kinikilala ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) bilang programa ng Department of Health (DOH) na nagbibigay ng tulong sa mga pasyenteng walang sapat na pera para bayaran ang kanilang pagpapagamot.

Ayon kay DOH OIC-Assistant Secretary for Hospital Systems Cluster Dr. Tagumpay Maniquis, dalawang grupo ang pangunahing sakop ng programa: ang mga indigent o walang kakayahang magbayad, at ang mga financially incapacitate o may trabaho ngunit hindi sapat ang kita para matugunan ang kanilang gastusing medikal.

“‘Yong MAIFIP ay isang mahalagang programa ng gobyerno na dinadaan sa DOH. Ito ay naisabatas at nakapaloob sa 2026 General Appropriations Act,” ani Maniquis.

Sakop ng MAIFIP ang iba’t ibang gastusing medikal, kabilang ang pagpapaospital, outpatient procedures, operasyon, laboratory tests at rehabilitasyon.

Mas malawak din ang saklaw nito kumpara sa Zero Balance Billing (ZBB), na isa ring programa ng DOH.

Paliwanag ni Maniquis, sa ZBB, walang babayaran ang mga kwalipikadong pasyenteng nasa basic accommodation sa mga pampublikong ospital.
Maaari naman aniyang tulungan sa ilalim ng MAIFIP ang mga pasyenteng kailangang magpagamot sa pribadong ospital, hangga’t pasok sa mga panuntunan ng programa.

Sa pinakahuling datos ng DOH, nasa 8 milyong Pilipino na ang natulungan ng MAIFIP.

Saad pa ni Maniquis, walang itinakdang partikular na bilang ng mga taong dapat matulungan dahil layunin ng programa na patuloy lamang na mapalawak ang serbisyo.

“Walang specific na target. Ang layon ay mapalawak ito para mas maraming Pilipino pa ang matulungan ng programa,” ani DOH official. –MP