
Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi titigil ang kanyang administrasyon sa paghahanap ng mga paraan upang matugunan ang karahasan sa mga paaralan, lalo na ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga menor-de-edad.
Sa panayam sa media nitong Linggo, sinabi ng Pangulo na mahalagang masusing siyasatin ang mga ugat ng karahasan sa mga paaralan, na aniya ay isa sa mga seryosong hamong kinakaharap ng kasalukuyang henerasyon.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi lamang ito usapin ng pagpapatupad ng batas o edukasyon ang problema, kundi may kaugnayan din sa pschological na kalagayan ng mga kabataan.
Bilang tugon, patuloy na pinag-aaralan ng pamahalaan ang iba’t ibang hakbang upang matugunan ang mga sanhi ng karahasan.
Kabilang sa mga hakbang na isinasaalang-alang ang paglalagay ng mga metal detector sa mga paaralan at pagpapalakas ng pagbabantay ng mga guro at magulang sa kalagayan at kilos ng mga bata.
“We have to bring many things together. It’s a terrible thing. And we are doing everything that we can,” saad ng Pangulo.
Matatandaang niratipikahan ng Senado at Kamara noong Setyembre 30 ang Batang Ligtas Act, na naglalayong paigtingin ang proteksyon ng mga bata laban sa pang-aabuso at pananamantala sa internet.
Sa ilalim ng panukala, hihigpitan ang pananagutan ng mga digital platform at technology company na nagbibigay ng serbisyo sa Pilipinas upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga kasong may kaugnayan sa pang-aabuso sa mga bata.
Inaatasan din ang mga sakop na platform na magtalaga ng lokal na kinatawan na tatanggap ng mga legal na kautusan, kabilang ang mga subpoena, kahilingan na alisin ang iligal na impormasyon, at mga utos na harangin ang pag-access sa naturang materyal.
Kinakailangan nilang makipagtulungan sa mga imbestigasyon ng mga awtoridad at panatilihin ang mga impormasyong maaaring magsilbing ebidensya sa mga kasong iniimbestigahan. – VC











