IBCTV13
www.ibctv13.com

Marcos Jr. admin, naglaan ng higit P242-B pondo para sa dagdag-sahod, mas ramdam na pwersa ng kapulisan sa 2027

183
Views

[post_view_count]

The Philippine National Police (PNP) held its flag raising ceremony in Camp BGen. Rafael T. Crame, Quezon City last Monday, September 21. (Photo courtesy of PNP)

Isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang P242.53 bilyong pondo para sa Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.

Sa kabuuang halaga, P210.55 bilyon ang ilalaan para sa sahod at iba pang gastusin para sa mga tauhan ng PNP.

Kabilang dito ang P100.549 bilyon para sa adjusted base pay ng mga uniformed personnel sa ilalim ng Executive Order No. 107.

Halagang P28.670 bilyon para sa P350 daily subsistence allowance ng 224,421 tauhan ng PNP.

Ang panukalang pondo sa susunod na taon ay mas mataas ng P15.98 bilyon kumpara sa P226.55 bilyong pondo ng PNP ngayong 2026.

Kasama sa panukalang budget ang P697.18 milyon para sa pagkuha ng 2,000 bagong patrolmen at patrolwomen sa buong bansa.

Samantala, P225.754 bilyon naman ang nakalaan para sa Crime Prevention and Suppression Program ng PNP na gagamitin para sa mga operasyon laban sa krimen at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

May P2 bilyon para sa Capability Enhancement Program na gagamitin sa pagbili ng mga sasakyan, communication equipment, armas, anti-terrorism equipment at iba pang kagamitang kailangan sa operasyon.

Habang ang P3.12 bilyon ay mapupunta para sa information and communications technology (ICT) at P1.499 bilyon para sa mga infrastructure project.

Ayon kay Budget Secretary Kim Robert De Leon, kabilang sa mga prayoridad ng PNP budget ang pagkukumpuni at pagpapahusay ng mga police station, kampo, at regional headquarters.

Tumaas naman ng 10% ang budget para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), mula P23 bilyon ngayong taon tungo sa P25.7 bilyon sa 2027.

Sakop ng pondo ang mga benepisyo para sa kalusugan at kapakanan ng mga pulis at kanilang pamilya tulad ng P1.74 bilyon para sa rice subsidy, P280.67 para sa hospitalization at healthcare, at P125.11 milyon para sa Bantay Kaisipan Health Program.

Sa kabuuan, nakatuon ang 2027 proposed budget ng PNP sa pagpapataas ng sahod at benepisyo, pagdaragdag ng manpower, pagpapahusay ng kagamitan at pasilidad, at pagbibigay ng mas malaking suporta para sa kalusugan ng kapulisan. – VC