
Nilinaw ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) na hindi ititigil ng pamahalaan ang pagkuha ng mga guro sa 2027, kasunod ng mga ulat na wala umanong pondong nakalaan para sa recruitment sa proposed national budget.
Ayon sa dalawang ahensya, may P31.220 bilyong nakalaan sa panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) para punan ang 64,530 awtorisadong teaching positions sa mga pampublikong paaralan.
Bagaman walang bagong batch ng Teacher I positions na iminungkahi para sa FY 2027 NEP, nilinaw ng DBM at DepEd na hindi naman nangangahulugan na wala nang maaaring i-hire na mga guro sa susunod na taon.
Sa kabuuang 64,530 posisyon, 31,614 ang mga dating bakanteng teaching positions na nakatala sa Government Manpower Information System (GMIS) as of April 24, 2026.
May 31,916 bagong teaching positions din na inaprubahan ang DBM noong Mayo 2026.
Ayon sa DepEd at DBM, nananatiling awtorisado ang mga posisyong ito at maaaring punan habang nakakapag-hire ng mga kwalipikadong aplikante ang DepEd.
Ipinaliwanag ng dalawang ahensya na ang 64,530 bakanteng teaching positions ay nakabatay sa opisyal na personnel data na hawak ng DBM noong isinasagawa ang budget preparation.
Samantala, ipinakikita ng pinakabagong personnel audit ng DepEd na patuloy ang pagpuno sa mga bakanteng posisyon.
As of September 4, 2026, iniulat ng DepEd na 33,250 teaching positions na ang napunan, habang 25,019 pa ang nananatiling bakante.
Para naman sa mga teaching positions na bagong nilikha ngayong taon, 22,649 na ang napunan at 8,733 pa ang available.
“Let us be clear: hindi titigil ang hiring ng teachers. We have thousands of authorized teaching positions that DepEd can continue to fill,” ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara. – VC











