
Itinatag ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Maritime Labor Affairs Office (MLAO) upang palakasin ang pagbibigay ng proteksyon, legal na tulong, at iba pang employment services para sa mga Filipino seafarer.
Sa bisa ng Administrative Order No. 283, Series of 2026, ang MLAO ay magsisilbing dedicated office sa ilalim ng Office of the Secretary na mag-uugnay sa iba’t ibang serbisyo ng DOLE para sa mga manggagawa sa maritime industry.
Bahagi ito ng pagpapatupad sa mandato ng bansa na protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong marino, alinsunod sa Republic Act No. 12021 o Magna Carta of Filipino Seafarers.
Sakop ng MLAO ang ilang ahensya at tanggapan ng DOLE, kabilang ang National Labor Relations Commission (NLRC), National Conciliation and Mediation Board (NCMB), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Legal Service.
Tutulungan ng MLAO ang mga seafarer sa mga kaso kaugnay ng kanilang sahod, benepisyo, at mga claim dahil sa pagkamatay o pagkakaroon ng kapansanan.
Sisikapin din nitong mapabilis at maging patas ang pagresolba sa mga reklamo at alitan sa trabaho.
Ang MLAO ang siyang makikipag-ugnayan sa mga kaukulang tanggapan para sa conciliation, mediation at arbitration ng mga employment dispute ng seafarer sa ilalim ng Single Entry Approach (SEnA).
Inaasahang magbibigay ang MLAO ng libreng legal assistance para sa mga tripulante na walang sapat na pera para kumuha ng abogado.
Bukod sa mga labor dispute, palalawakin din nito ang tulong sa mga Pinoy seafarer na naghahanap ng trabaho, nais madagdagan ang kasanayan, o nangangailangan ng kabuhayan matapos mawalan ng trabaho.
Kabilang dito ang skills upgrading, career development, job referrals sa PhilJobNet, Public Employment Service Offices, job fairs, at mga programa para sa livelihood at self-employment.
Bukas din ang mga programa ng MLAO para sa mga displaced, repatriated, retiring, at injured seafarer, maging ang kanilang pamilya.
Ayon sa DOLE, layunin ng tanggapan na magkaroon ng mas accessible, organisado at tumutugon na sistema ng suporta ang gobyerno para sa mga Pilipinong marino sa bawat yugto ng kanilang paglalayag. – VC











