
Patuloy na nagtutulung-tulong ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang paigtigin pa ang seguridad sa mga paaralan, bunsod ng panibagong insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato noong Biyernes, Setyembre 18.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pinag-aaralan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Education (DepEd) ang isang memorandum of agreement (MOA) na inaasahang mailalabas sa susunod na linggo para magkaroon ng mga tanod na magsasagawa ng visible patrol sa mga paaralan.
Kumikilos na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang umagapay sa mga pamilya at estudyanteng maaaring mangailangan ng psychosocial support.
Kabilang dito ang pakikipag-usap at paggabay sa mga magulang upang mas matutukan nila ang kanilang mga anak.
Magkakaroon din ng trauma-informed care para sa mga guro at school personnel upang matulungan silang matukoy ang mga senyales o red flag na maaaring nagpapakita na nangangailangan ng tulong ang isang estudyante.
Samantala, sinabi ni Castro na nabasa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ulat tungkol sa insidente at itinuring itong “very disturbing.”
“Very disturbing dahil sa kanyang pakiramdam, hindi ito normal na nangyayari na isang kabataan [ay] bigla na lang may hawak na baril at nagbabaril nang walang ibang target at kung sino lang,” ani Castro.
Kaugnay ng insidente, binigyang-diin ni Castro na labag sa batas ang pagkakaroon ng loose firearms at may umiiral nang mga parusang maaaring ipataw sa mga lumalabag.
Dahil dito, pinaalalahanan din niya ang mga nagmamay-ari ng baril na tiyaking hindi ito maaabot ng mga bata.
“Kung sino ang naghahawak ng baril, maging maingat kayo lalung-lalo na kung may mga kasama kayong kabataan. Kasi nagsisilbi rin po kayo na daan para magawa ang mga bagay na ito dahil sa inyong kapabayaan,” saad ni Castro.
Sa kasalukuyan, isinusulong ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang isang panukalang batas na magtataas sa mga parusa para sa iligal na pagmamay-ari ng baril. – MP











