IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga pamilya ng missing sabungeros, tinangka umanong suhulan ng kampo ni Atong Ang

Kristel Isidro
84
Views

[post_view_count]

Families of missing sabungeros. (Photo courtesy of PNA)

Dumulog sa National Police Commission ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero upang isiwalat ang umano’y tangkang panunuhol kapalit ng kanilang pag-atras mula sa kaso.

Ibinunyag ng mga complainant na nilapitan sila ng kampo ni Atong Ang upang hikayating huwag nang dumalo sa mga pagdinig kaugnay ng kaso ng missing sabungeros.

Sa kanilang salaysay, inalok ang bawat complainant ng “monthly payroll” na nagkakahalaga ng P20,000 tuwing ika-15 at katapusan ng buwan, o kabuuang P40,000 kada buwan.

Kinilala ng mga complainant si Atty. Caroline Cruz bilang namagitan sa alok na areglo.

Isiniwalat din ng isa sa mga complainant na lihim umano silang dinala sa custodial facility ng Camp Crame upang makaharap ang mga akusadong pulis.
Doon iginiit ng mga akusado na wala silang kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero at itinangging kilala nila si Julie Patidongan, na pangunahing witness sa kaso.

Ayon pa sa isang complainant, nais idiin ng kampo ni Ang si Patidongan bilang mastermind sa pagkawala ng mga sabungero.

“Pinipilit nilang bayaran kami, pero hindi po namin maipagpapalit ang buhay ng anak ko,” pahayag ni Carmelita Lasco, ina ng nawawalang sabungero na si John Lasco.

Dagdag nila, nag-alok pa ang kampo ni Ang ng P1 milyon sa sinumang makakakumbinsi ng isa pang complainant na umatras sa kaso.

Mahigit 18 complainants na umano ang nakatanggap ng pera mula kay Atty. Cruz, na itinuturong nagsilbing middleman para sa mga pulis na iniuugnay sa kaso.

Samantala, tiniyak naman ni Police Colonel Marlon Santos na pananagutin ang sinumang pulis at abogado na mapatutunayang sangkot sa tangkang pag-areglo sa kaso ng mga missing sabungero. – VC