IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga railway project sa ilalim ng PH-Japan partnership, nagbigay ng higit 31,000 trabaho sa mga Pilipino

Kristel Isidro
120
Views

[post_view_count]

(Courtesy of DOTr)

Mahigit 31,000 trabaho para sa mga Pilipino ang nalikha ng patuloy na konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) at Metro Manila Subway Project (MMSP), ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Bahagi ang dalawang malaking infrastructure project sa “Build Better More” program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na layong mapalawak ang oportunidad sa trabaho at mapabuti ang pampublikong transportasyon sa bansa.

Ayon sa DOTr, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga foreign contractor upang mabigyan ng trabaho ang mga Filipino engineer, architect, at iba pang propesyunal sa ilalim ng mga Project Management Office (PMO) at consultant companies.

Kumukuha rin ang mga contractor at subcontractor ng mga lokal na manggagawa para sa iba’t ibang construction site ng mga proyekto.
Batay sa pinakahuling datos ng ahensya, nasa 10,122 Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa MMSP, habang tinatayang 21,031 naman ang manggagawa sa NSCR project.

Hinihikayat naman ni DOTr Secretary Banoy Lopez ang mga foreign contractor na bigyang prayoridad ang mga Pilipinong manggagawa dahil sa kanilang husay at kakayahan.

Ayon kina David at Rico, mas pinili nilang magtrabaho sa NSCR dahil mas mataas ang sahod at mas maganda ang benepisyo.

“Marami pong improvement. Nakakapag-ipon at nakakatulong ng malaki sa pamilya. Sa dati kasi halos walang ma-ipon. Sakto lang pang araw-araw. Ngayon nakakapagtabi at nakakatulong din sa pamilya,” ani David.

“Nagpapasalamat ako lalong-lalo na sa ating Presidente, nagkaroon ng proyektong mga ganito sa ating mga Pilipino,” dagdag ni Rico.

Ayon naman kay Sharlene Guyo, finance officer sa MMSP, nagpapasalamat siya sa pagkakataong makapagtrabaho sa proyekto ng pamahalaan dahil mas marami na siyang oras ngayon para sa pamilya kumpara noong nasa bangko pa siya.

“Malayo ‘yung difference n’ya from my previous job and also mas marami ‘yung time ko para makasama ko family ko. Thankful and grateful na nabigyan ng chance kami na mag-work sa ganitong project,” ani Sharlene.

Kapag naging ganap na operational, ang 147-kilometrong NSCR na may 35 istasyon ay magpapababa ng oras ng biyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna at pabalik, patungong dalawang oras mula sa kasalukuyang apat na oras.

Tinatayang 800,000 pasahero kada araw ang inaasahang maseserbisyuhan ng NSCR.

Samantala, ang 33-kilometrong subway project na may 17 istasyon mula Valenzuela City hanggang Parañaque City, kasama ang spur line patungong Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City, ay inaasahang magpapababa ng travel time sa 45 minuto mula sa karaniwang isang oras at 38 minutong biyahe.

Target itong maging ganap na operational pagsapit ng 2032, na inaasahang magbibigay-serbisyo sa mahigit 519,000 pasahero kada araw. – VC