IBCTV13
www.ibctv13.com

NEA, nakikipag-ugnayan na sa mga electric cooperative bilang paghahanda sa epekto ng STY Rosal sa kuryente

101
Views

[post_view_count]

Electrical linemen fixing electrical posts. (IBC File photo)

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng National Electrification Administration (NEA) sa mga electric cooperative upang matukoy ang antas ng kanilang kahandaan sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng Super Typhoon Rosal.

Sa pamamagitan ng Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), inatasan ng NEA ang mga electric cooperative sa Batanes, Cagayan, Apayao, at Ilocos Norte na regular na magsumite ng power situation report bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Rosal.

Sa panayam sa “Boses” ng Radyo Pilipinas, sinabi ni NEA DRRMD Acting Division Manager Engr. Charlene Basto na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga kooperatiba upang matukoy ang antas ng kanilang kahandaan sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyo.

Nakipagpulong na rin ang NEA sa Department of Energy (DOE), sa pamamagitan ng Task Force on Energy Resilience, upang talakayin ang posibleng karagdagang tulong na kakailanganin ng mga electric cooperative.

Sa ngayon, wala pang naitatalang power interruption sa mga lugar na mino-monitor ng NEA.
Gayunman, nakahanda na ang mga tauhan, line worker, at buffer stock ng mga kinakailangang kagamitan at materyales upang mapabilis ang pagkukumpuni ng mga linya ng kuryente sakaling magkaroon ng pinsala.

Ayon kay Basto, nakahanda na rin ang pondo ng ahensya sa ilalim ng Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) na maaaring gamitin para sa mga pinsalang dulot ng kalamidad.

Maaaring i-activate ng NEA ang Task Force Kapatid upang magbigay ng karagdagang manpower sa pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente kung kinakailangan.

Samantala, pinayuhan ni Basto ang publiko na manatiling alerto at sumubaybay sa mga abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at ng mga lokal na awtoridad para sa impormasyon hinggil sa bagyo.

Sakaling mawalan ng kuryente, pinayuhan ang publiko na agad itong iulat sa kinauukulang electric cooperative at iwasang lumapit sa mga poste o magsagawa ng sariling pagkukumpuni.

“Makakaasa po kayo na ang NEA ay patuloy na naghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at magsasagawa ng agarang restoration kung kakailanganin,” ani Basto. – VC